293 total views
Inihayag ng Obispo ng Bontoc Lagawe na dapat magkaroon ng sapat na suplay ng bigas ang National Food Authority bilang paghahanda sa matinding epekto ng El Niño phenomenon sa mga produktong pang-agrikultura.
Ayon kay Bishop Valentin Dimoc, nagsimula nang natuyot ang mga lupang sakahan at inaasahan ang labis na epekto nito sa suplay ng bigas na dapat napaghandaan na ng pamahalaan.
“Rice fields are drying up. By June and onwards, people need RICE. Kung relief ay pang one or two weeks lamang, NFA should have enough cheap rice supply,” mensahe ni Bishop Dimoc sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na mahalagang matiyak ng mga namumuno sa bansa ang sapat na suplay ng pagkain lalo na ang bigas.
Batay sa datos ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng Department of Agriculture, umaabot na sa higit 5-bilyong piso ang napinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa matinding init ng panahon.
Sa naturang halaga, halos 3 bilyong piso dito ang nasirang pananim ng palay habang tumaas naman sa 2.36 bilyong piso ang nasirang pananim na mais.
Sa kabuuang ulat ng ahensya, umabot na sa 276, 568 Metriko Toneladang pananim ang nasira sa higit 177 libong ektaryang lupang sakahan sa buong bansa habang nasa 164, 672 na mga magsasaka ang naapektuhan.
Nanindigan sa Bishop Dimoc na hindi kayang gampanan ng Simbahan ang mga mandatong nakaatas sa ilang ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa kakulangan ng pagkain.
Subalit tiniyak ni Bishop Dimoc na nakahandang tumulong ang Simbahan sa pangunguna ng mga social action centers ng mga parokya sa pagbigay ayuda sa apektadong mamamayan.
“The Church cannot order what NFA should do,” ani ni Bishop Dimoc.
Dahil sa epekto ng tagtuyot, isinailalim sa state of calamity ang ilang lalawigan sa bansa upang magamit ang pondong inilaan sa calamity fund upang tugunan ang suliranin.
PAGHANDAAN
Umaasa si Bishop Dimoc na nakahanda ang pamahalaan sa epekto ng tagtuyot kung saan dapat na palakasin ang NFA na magkaroon ng sapat na suplay ng bigas.
“The preparation needed by Government is for NFA to have enough rice when people buy from them in bulk. Kahit wala El Niño ay puro ubos yung NFA box ng mga retailers or stores,” dagdag ng Obispo.
Dahil dito, nanawagan ang Malacañang sa publiko na ugaliin ang pagtitipid ng tubig bilang paghahanda sa epekto ng El Niño phenomenon hindi lamang sa sektor ng agrikultura kundi maging sa tubig na ginagamit ng mamamayan sa pang araw-araw.
Unang sinabi ng Kan’yang Kabanalan Francisco na dapat pahalagahan ang sektor ng agrikultura at ang mga magsasaka sapagkat ito ang nangungunang sektor sa pagbibigay pagkain sa mamamayan at nangangasiwa sa biyaya ng lupa na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.