464 total views
August 24, 2020
Kinundina ng Apostolic Vicariate of Jolo ang dalawang magkasunod na pagsabog sa bayan ng Jolo, Sulu nitong Lunes, ika-24 ng Agosto.
Ayon kay Jolo Bishop Charlie Inzon, OMI, higit na kinakailangan ngayon ng mamamayan ng Jolo ang panalangin upang tuluyang magwakas ang mga ganitong uri ng karahasan na bumibiktima sa mga inosenteng indibidwal.
Umapela rin ang Obispo sa bawat isa na mag-alay ng panalangin para sa mga biktima ng magkahiwalay na pagsabok at pinayuhan ang mamamayan na manatiling kalmado at mapagmatyag sa mga nangyayari sa bayan.
“Sa pangyayari na naman dito ngayon ay kinakailangan ng dasal para maiwasan yung mga ganitong pangyayari at saka dapat ipagdasal din yung mga naging biktima, yun yung dapat nating gawin at sa mga tao din maging kalmado pa din”.panawagan ni Bishop Inzon
Batay sa inisyal na ulat ng Philippine National Police (PNP) naganap ang unang pagsabog sa bahagi ng Plaza Rizal sa tapat ng Paradises Grocery, Barangay Walled City, Jolo Sulu bago mag-alas-dose ng tanghali.
Nagmula ang pagsabog sa isang nakaparadang motorsiklo na nilagyan ng maraming improvised explosive device (IED) kung saan katabi nito ang isang 6×6 M35 military truck ng mga kawani ng 21st Infantry Batallion ng Philippine Army na katatapos lamang sa lingguhang pamimili.
Naganap naman ang ikalawang pagsabog pasado ala-una ng hapon sa hindi kalayuan ng lugar habang nagsasagawa ng ‘sweeping’ ang mga otoridad sa naganap na unang pagsabog.
Sa tala, siyam na indibidwal na ang nasawi sa insidente kabilang na ang limang sundalo at apat na sibilyan habang 17 ang sugatan.