214 total views
Nawa ay magsimula sa Pamilya ang pagmumulat sa paglilingkod sa Panginoon at pagsuporta sa tawag ng Banal Bokasyon.
Ito ang mensahe ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa pagdiriwang ng kapistahan ni Santa Ana ang asawa ni San Joaquin na magulang ng Mahal na Birheng Maria sa misang isinagawa sa Archdiocesan Shrine of St. Anne, Taguig City.
Sa kaniyang Homiliya, sinabi ng Obispo na magandang balikan ang mag-asawang Santo na may malaking bahagi sa katuparan ng Misyon ni Maria- bilang ina ng ating Panginoon.
“Isang magandang tingnan na maaring solusyon para dumami ang Banal na Bokasyon ay ang Pamilya,” ayon kay Bishop Vergara.
Inaamin ng Obispo na sa kasalukuyan ay bumababa ang bilang ng mga pumapasok sa Bokasyon sa iba’t kadahilanan tulad ng Secularismo lalu na ang hindi pagmumulat sa mga anak ng kahalagahan ng paglilingkod sa Simbahan at hindi pagsuporta sa mga kabataan sa tawag ng banal na Bokasyon.
“Minsan kapag nagtatanong ka sa ibang magulang, ano pa ang nakikita mong guhit ng palad ng iyong anak? Kalimitan ang iba hindi iisipin yung pagpapari o pagmamadre. Tatangkilikin, itataguyod ang mga anak, pag-aaralin ng iba’t ibang Propesyon. Doctor, Accountant, Inhinyero…pero hindi iisipin na maaring sa isang personal na paanyaya ng Diyos… suportahan ang desisyon ng anak na Magpari o Magmadre,“ dagdag pa ni Bishop Vergara.
Ayon sa Obispo, ang kapalaran para sa pagtugon sa Banal na Bokasyon ay maaring masaksihan sa mga magulang bilang mga halimbawa ng pananalangin at paglilingkod na magiging Inspirasyon ng kanilang anak tungo sa paglilingkod.
Si Bishop Vergara ay kabilang sa ‘Late Vocation’ na nagtapos ng Management Engineering sa Ateneo de Manila University at nagtrabaho sa Estados Unidos subalit nakatanggap ng paanyaya sa paglilingkod sa Diyos bilang isang pari.
Ayon sa Obispo, ang kaniyang mga magulang ay kapwa aktibo sa loob ng Simbahan bilang Legionary at Lay Minister na siyang nagmulat sa kaniya sa kahalagahan ng paglilingkod.
Sa kasalukuyan ay may higit sa 10,000 ang bilang ng mga Pari sa buong Pilipinas habang may 18,000 mga Consecrated Persons na nangangasiwa sa 86 na milyong Katoliko sa Bansa.