201 total views
Muling hinikayat ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na magpabakuna na laban sa COVID-19.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pagpapabakuna dahil ito’y sumisimbolo sa pagkakaroon ng pag-asa upang malagpasan ang krisis na sanhi ng umiiral na pandemya.
Dagdag ni Bishop Santos na kapag bakunado ang lahat, matitiyak ng bawat isa ang kaligtasan ng sarili at makakatulong din upang hindi mahawaan ng virus ang kapwa.
“Tayo po ay magpabakuna para sa ating kinabukasan, na ang bukas natin ay ligtas, maayos at maganda,” mensahe ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, sang-ayon naman si Bishop Santos na palaganapin ang house-to-house vaccination para sa malalayong komunidad lalo’t higit sa mga senior citizen at mayroong comorbidities.
Sinabi ng Obispo na higit itong makakatulong sa mga malalayo sa vaccination sites at magbibigay rin ng kapanatagan upang maiwasan ang pangambang mahawaan ng COVID-19 sa labas ng mga tahanan.
“Sadyang mabuti at kaaya-aya na kayo na ang pupuntahan upang bakunahan. Hindi na magpapagod pa, menos abala, at tiyak na hindi kayo mangangamba na mahawahan sa paglabas ng bahay,” ayon sa Obispo.
Magugunitang sinabi ng Malacañang na isa sa mga epektibong paraan na ipinapatupad sa mga local government units ay ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination upang mapabilis ang pamamahagi ng bakuna sa bawat mamamayan lalo na sa mga matatanda at mayroong iba pang karamdaman.
Batay naman sa huling tala ng Department of Health, nasa mahigit 57-milyong Filipino na ang kumpleto na sa bakuna kontra COVID-19 o higit sa 70 porsyento ng kinakailangang populasyon upang maabot ang herd immunity.