388 total views
Ang patuloy na pangangaral ng Salita ng Diyos at ang pagtindig sa dangal ng bawat nilalang ang iniwang misyon ni Hesus para sa kanyang mga alagad na ipinagpapatuloy ng Simbahan matapos ang kanyang pag-akyat sa langit.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Diocese of Baguio Bishop Victor Bendico kaugnay sa paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit o Solemnity of the Ascension of the Lord.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Liturgy, sa pag-akyat sa langit ni Hesus ay hindi nanatiling nakatingin sa langin ang kanyang mga alagad bagkus ay ipinagpatuloy ang misyong sinimulan ni Hesus sa daigdig.
Pagbabahagi ni Bishop Bendico, kabilang sa misyon na ito na ipinagpapatuloy rin ng Simbahan at mga Kristiyano magpahanggang sa ngayon ay ang pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapa-inom sa mga nauuhaw, pagpapatuloy sa mga dayuhan, pagbibihas ng damit sa mga walang saplot at ang pagdalaw sa mga may sakit at nakabilanggo na tinatawag na corporal works of mercy.
“Ang mga alagad ay hindi nanatiling nakatingin sa langit magpakailanman. Bumalik ang kanilang paningin sa lupa. Pinagmasdan nila ang kanilang paligid at ang mundo. Ipinangaral nila ang Magandang Balita sa lahat ng tao. Itinindig nila ang dangal ng tao ayon sa aral ni Jesus na pinagpatuloy rin ng Simbahan: ang pagpapakain sa nagugutom; ang pagpapa-inom sa mga na-uuhaw; ang pagpatuloy sa mga dayuhan; ang pagbigay damit sa mga hubad; ang pagdalaw sa may sakit at nabilanggo.” pahayag ni Bishop Bendico sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na ang nasabing corporal works of mercy ay nangangahulugan ng pagkakawang gawa kung saan ayon kay Hesus kung anuman ang gawin sa mga pinakahamak sa lipunan ay para na ring ginawa sa Kanya.
Partikular namang kinilala ni Bishop Bendico ang layunin ng mga community pantries sa bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya na nagpapamalas ng kabutihan at tumutugon sa pangangailangan ng mga nagugutom at nauuhaw.
Nagpahayag rin ng suporta ang Obispo sa tinaguriang mga ‘Caritas Kindness Station’ kung saan higit na nabibigyang diin ang pagkakawang gawa sa kapwa na misyong iniatas ni Hesus sa bawat isa.
“If there is one word that can summarize all these corporal works of mercy, it is charity. And the Church has been faithful to the mandate if Jesus to be charitable to the needy, to the poor. It is really admirable that the so-called community pantries have been sprouting in different areas of our country to show kindness and compassion to the poor – to those who are hungry and thirsty. And I support the idea of some people in the Church to emphasize more the spirit if charity by calling it ‘Caritas Kindness Station’.” Dagdag pa ni Bishop Bendico.
Gayunpaman, nagpahayag ng pagkabahala ang Obispo sa posibilidad na magamit ng mga politiko ang mabuting layunin at adhikain ng pagkakawanggawa para maisulong ang mga pampulitikong interes lalo na at papalapit na ang halalan sa susunod na taon.
Giit ni Bishop Bendico, ang kasakiman at pagkakaroon ng pansarilling motibo para sa sariling kapakanan ay isang tahasang paglabag sa layunin ng misyong iniatas ng Panginoon para sa bawat isa.
“Politicians can manuever this noble activity and use it for their political mileage especially that election is already next year. Selfish motives and self-serving hearts are alien to charity.” Ayon kay Bishop Bendico