513 total views
Nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa ang opisyal ng Catholic Bishops’ of the Philippines sa World Mental Health Day para sa mga taong nakararanas ng suliranin sa kaisipang pangkalusugan kasabay ng nararanasang krisis dulot ng corona virus disease.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, hindi lamang pangkatawan ang kalusugan, kundi maging sa kaisipan na dapat na pakaingatan at pagtuunan ng pansin.
“Kaya dapat maging maingat at maging conscious tayo kasi ito’y bahagi rin ng ating kalusugan. Madalas nakikita natin ang kalusugan natin na pangkatawan lang, kun’di pati sa ating kaisipan, may kalusugan din d’yan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, hinikayat ng obispo ang pag-aalay ng panalangin para sa mga taong may problema sa mental health na makatutulong para mapagaan ang kanilang mga dinaramdam.
Iginiit ng Obispo na ang mga nag-aalay ng panalangin sa kapwa ay matutulungan ring maibsan ang pansariling karamdaman sa kaisipan.
Panalangin ni Bishop Pabillo sa paggunita ng World Mental Health Day:
“Diyos Amang mapagmahal, kami po’y nagpapasalamat sa’yo sa biyaya ng aming kalusugan. Kalusugan sa aming katawan, sa aming kaisipan at sa aming kaluluwa.
Ipinagdadasal po namin ngayon ang World Mental Health Awareness, ang mga kapatid namin na magkaiba po ng mga problema sa kanilang kalusugang pangkaisipan.
Gabayan n’yo po sila, iligtas n’yo po sila, bigyan po sila ng mga taong makakaunawa sa kanila at makakatulong sa kanila; At ipinagdarasal din po namin na kaming lahat ay maligtas sa ganitong karamdaman sa aming kaisipan.
Ito po’y aming hinihiling sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”
Gugunitain ang World Mental Health Day sa ika-10 ng Oktubre upang mabigyang-pansin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa lumalalang bilang ng mga taong nakararanas ng depresyon na humahantong sa pagpapatiwakal.
Batay naman sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 953 ang mga tawag na kanilang natanggap noong Marso hanggang Mayo, 2020.
Inihayag ng N-C-M-H na ang monthly average calls na may kaugnayan sa suicide ay tumaas ng 45 kada buwan.
Ipinakita naman sa Social Weather Station survey noong Hulyo na 84 porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng depression dahil sa epekto ng pandemya.