183 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Prelatura Marawi sa pagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim ng Eidl Adha.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, ito ang pinakamahalagang pagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim at ang Marawi, bagama’t tinaguriang Islamic City ng Pilipinas –ang mga residente ng lungsod ay magdiriwang ng hiwa-hiwalay na pagdiriwang dahil sa hindi pa natatapos na digmaan.
Ang Marawi City ay bahagi ng lalawigan ng Lanao Del Sur, na base sa 2015 survey ay may higit sa 200 libo ang populasyon, na mayorya ay pawang mga Muslim, na may 90 porsiyento.
“Kung saan sila naroon, sa evacuation centers, sa host families kung saan sila. Nagcelebrate sila ngayon it is a big celebration. Dapat kami sanang makiisa sa kanilang celebration kaya lang we have to face other matters din, nagkasabay-sabay kaya we have to prioritize kung ano ang dapat unahin. Ang pagkilos sa araw na susunod dahil nandito tayo sa very crucial period dito Marawi,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Sa pinakahuling tala, higit na sa 300 libong mga residente ang naitalang lumikas ng lungsod dahil na rin sa digmaan na nagsimula noon pang buwan ng Mayo.
“Ipanalangin natin, ituloy natin ang ating panalangin na sana matapos na ang kaguluhan na hindi na tayo kailangang magsakripisyo pa ng maraming buhay at ang panawagan din natin sa ating mga kapatid na Muslim, habang sila ay nagdiriwang ng kanilang eidl adha- tayo ay nakikiisa sa kanilang fiesta,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dela Peña.
Ayon naman kay Msgr. Jose Casas- administrator ng Prelatura ng Basilan nawa ay maging makabuluhan ang pagdiriwang.
Ang bansa ay may kabuuang higit sa 10 milyong mga Muslim na karaniwang naninirahan sa Mindanao region.
“ I wish our Muslim friends a meaningful celebration of their Eidl Adha!,” ayon kay Msgr. Casas.
Ang bansa ay binubuo ng 11 porsiyento ng mga Muslim mula sa kabuuang populasyon ng Pilipinas na 100 milyon.
Ang Eidl Adha ay isang Muslim celebration bilang paggunita sa ginawang sakripisyo ng propetang si Ibrahim na ayon Quran ay isang mabuting tagasunod ni Allah.