7,774 total views
Nakiisa si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa buong mundo sa paggunita ngayong araw ng September 27 bilang World Tourism Day.
Ayon sa Obispo, ang pakikiisa ay dahil napakahalaga ng turismo sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas at gayundin sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga manggagawa o negosyanteng Pilipino na nasa sector ng turismo.
Nagagalak din na ibinahagi ni Bishop Pabillo na kabilang ang Palawan sa isa sa mga top tourist destination ng Pilipinas dahil sa magagandang anyong tubig at lupa na maaring bisitahin sa El Nido, Coron at San Vicente Palawan.
“Mayroon po tayong World Tourism Day, September 27 lalong-lalo na po sa amin sa Palawan na marami pong mga turistang dumadating sa amin, ito po ay isang biyaya din sa maraming mga pamilya na nakikinabang sa turismo higit na mayroong kaming El Nido, mayroon kaming Coron, mayroong kaming Coron at San Vicente na pinupuntahan ng mga turista,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo
Gayunpaman, ipinaalala ni Bishop Pabillo sa mamamayan at pamahalaan na panatilihing ligtas ang mga manggagawa sa turismo mula sa kapamahakan at anumang uri ng sakit.
Giit ng Obispo, bagamat maraming mabubuting epekto ng turismo sa kabuhayan ng mga mamamayan ay nararapat na magkaroon ng mga hakbang na titiyakin ligtas ang bawat isa mula sa anumang banta sa kalusugan na maaring dala ng mga turista katulad ng COVID-19, MPOX Virus, HIV Infection at iba pang sakit.
Umaasa ang Obispo na maging mapagmatyag din ang pamahalaan upang maiwasan ang mga kaso ng human trafficking at white slavery at iba pang ilegal na gawain na banta sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipino.
Panalangin din ni Bishop Pabillo ang kaligtasan ng mga manggagawa sa turismo higit na ng mga kababaihan at kabataan mula sa anumang kapahamakan.
“At ganun din po ang mga kaugalian ng mga banyaga na maaring hindi maganda para sa ating mga Pilipino at sa ating mga kristiyano, kaya habang nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga turistang dumadating ay maging maingat din tayo na hindi mapasama ang kalagayan ng ating mga tao lalung-lalu ng ating mga kabataan at ating mga kababaihan sa mga masasamang maaring impluwensya ng turismo sa atin,” bahagi pa sa panayam ni Bishop Pabillo.
Ngayong taon, ginugunita ng United Nations Tourism Organization (UNTO) ang World Tourism Day sa temang ‘Tourism and Peace’.