404 total views
Panatilihin ang pagiging mahinahon sa banta ng COVID-19 Omicron variant.
Ito’y ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Health Care Ministry ngayong patuloy na binabantayan sa bansa ang Omicron variant na sanhi ng biglaang pagdami ng mga nagkasakit sa pagpasok pa lamang ng 2022.
Ayon sa obispo, bagamat mas mabilis makapanghawa kumpara sa ibang COVID-19 variants, ang Omicron variant ay hindi dapat pangambahan ng publiko lalo na’t bakunado laban sa COVID-19.
“Maging mahinahon lang tayo. Think of this: nakalampas na tayo sa malaking suliranin – ang kasagsagan ng COVID, at marami na ang vaccinated,” bahagi ng mensahe ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Paalala naman ni Bishop Florencio na sakaling makaramdam ng anumang sintomas, agad na i-isolate ang sarili at sundin ang mga basic protocols laban sa virus upang hindi na makapanghawa ng kapwa.
“Now kung may sinat na, huwag mag-panic. Just take paracetamol and take a rest, eat and sleep well,” saad ng obispo.
Dagdag pa ng opisyal na maliban sa wastong pag-iingat upang hindi makahawa at mahawaan ng virus, ugaliin pa rin ang pagdarasal para sa kaligtasan ng lahat at ganap na kagalingan laban sa umiiral na pandemya.