3,603 total views
Muling iginiit ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kahalagahan ng “sapat-lifestyle” alang-alang sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, ang paraan ng pagbabago ng pamumuhay tungo sa pagiging payak ang higit na kinakailangan sa gitna ng mga nangyayaring krisis sa kapaligiran.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa paggunita sa Philippine Environment Month ngayong Hunyo, at World Environment Day sa Hunyo 5.
“Talagang nananawagan ang environment ng nararapat na pangangalaga. Pahalagahan natin siya. Sana magbago ang lifestyle natin alang-alang sa inang kalikasan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Office on Stewardship na ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha ay hindi mahirap na gampanin.
Sinabi ng obispo na sa pagtutulungan ng bawat isa ay unti-unting makakamit ang layuning mapigilan ang pagkasira ng nag-iisang tahanan para sa kapakinabangan ng susunod pang henerasyon.
“Pwede nating ipakita ang pamumuhay ng payak at sapat sa pamamagitan ng ating kinakain; sa ating ginagamit tulad ng hindi masyado paggamit ng plastic; at sa ating pagsasalita na bigyan nating halaga ang environment. So, ‘yun po ‘yung mga konting contribution. Pero kung bawat isa sa atin ay gagawa ng kanyang contribution, magbabago po ang kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Abril 4, 1988 nang ideklara ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Hunyo bilang Philippine Environment Month upang paglaanan ng panahon at kumilos tungo sa pangangalaga, pagpapahusay, at pagpapaunlad ng kalikasan sa bansa.
Habang taong 1974 naman nang unang ideklara ng United Nations ang World Environment Day tuwing Hunyo 5 upang paigtingin ang kamalayan ng publiko at itaguyod ang kaligtasan ng nag-iisang tahanan laban sa tuluyang pagkasira.