2,563 total views
Muling hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) ang bawat isang kabilang sa sektor ng edukasyon na magkaisa upang matugunan ang naranasang ‘learning loss’ ng mga mag-aaral dahil sa pandemya.
Ayon kay CBCP-ECCCE Vice-chairman San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, maaring magtulungan ang mga paaralan higit na ang mga private schools na ibahagi ang kanilang mga paraan ng pagtuturo.
Sinabi ng Obispo na napakahalaga na makamit ang “learning recovery” at makabawi ang mga mag-aaral sa mga suliranin sa pag-aaral na idinulot ng pandemya .
“Kung may learning recovery, napakahalaga noon upang ang mga bata ma-achieve kung ano yung learning objectives vis-a-vis sa learning or actual achievement ng mga bata kaya nga dito sa study, binabanggit yung mga kahalagahan assesments ng mga bata, at yung differentiated instructions, maganda na mabasa yung mga literature related sa learning loss at gayundin ang learning recovery actions or LRAs ng mga bata,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Binigyang diin ni Bishop Presto na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga private school ay madagdagan ang kaalaman ng mga school administrators at teachers sa ibat-ibang paraan ng pagtuturo at higit na matulungan ang mga estudyante na matuto.
Bukod sa mga guro, mahalaga din ang pakikibahagi ng mga magulang o guardians ng mga kabataan upang maibalik o lumago ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kanilang mga paksa.
“Malaking bagay ang mga parents o ang mga elder siblings gayundin ang mga kamag-anak o elders in the community upang suportahan ang mga kabataan na dumaranas ng learning loss at alam natin ang support ng bawat isa ay malaking bagay din, hindi natin pwedeng pabayaan ang mga bata’t kabataan sa kani-kanilang kalagayan sabi nila, ipagdasal natin na ang bawat isa ay maging masigasig sa pagpapalaganap ng learning recovery programs ng mga eskwelahan,” bahagi pa ng pahayag ni Bishop Presyo sa Radio Veritas.
Ito ang naging panawagan ng Obispo matapos maitala ng Philippine Assessment for Learning Loss Solutions (PALLS) sa last quarter ng 2022 na umaabot lamang 47.5% ang puntos sa matematika habang 54.1% naman ang puntos sa agham ng 3,600 estudyanteng mula sa 18-private school
Higit itong mababa sa 60% passing rate na itinalaga ng Deparment of Education.