384 total views
Iniugnay ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang paggunita ng Semana Santa sa adbokasiya ng Earth Hour hinggil sa pangangalaga sa inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Presto na kasabay ng paggunita sa paghihirap ng Panginoon ay mahalaga ring pagnilayan at isabuhay ang mga gawaing isinusulong ng Earth Hour tulad ng pagtitipid ng kuryente at tubig na malaki ang maitutulong sa pagpapanatili ng likas na yaman.
“Ngayong Holy week, napakahalagang balikan natin ‘yung ilang practices na sinasabi sa Earth Hour. Doon ay makikita natin yung pagtitipid sa paggamit ng kuryente at wastong paggamit din ng tubig kasi kapwa ‘yan ay may kinalaman sa kalikasan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo na malaki ang maitutulong nito para sa kalikasan na maituturing ding sakripisyo upang mailigtas ito sa tuluyang pagkasira bunsod ng walang tigil na pagsasamantala at pang-aabuso ng mga tao.
“Malaki ang maitutulong nito sa kalikasan. It’s a form of sacrifice nga kasi, sabi ko nga, a little practice, a little habit ng wastong paggamit at pagtitipid ng elektrisidad at tubig, maghahatid ‘yun ng magandang contribution sa ating kalikasan,” ayon sa Obispo.
Hinihikayat naman ni Bishop Presto ang bawat mananampalataya na ipanalangin ang mga nasa kapangyarihan upang makapagsulong ng mga panukalang makatutulong upang malunasan ang epektong dala ng climate change.
Gayundin ang ecological conversion upang ang lahat ay maging mabuting katiwala ng likas na yamang handog ng Diyos para sa sangkatauhan.
Samantala, nais ding isulong ng Obispo ang Alay Kalikasan na layong maglaan ng tulong para sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan.
Ayon kay Bishop Presto, tulad ng Alay Kapwa na matagal nang isinusulong ng simbahan para sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan, nawa’y ang Alay Kalikasan ay maging daan din upang makapagbigay ng suporta para sa mga programang makatutulong sa pagpapanatili ng ating iisang tahanan.
“Iniisip ko maganda rin siguro kung mayroong Alay Kalikasan. Ito ‘yung pagsasakripisyo na nagbibigay din tayo ng ating mga natipid para naman makatulong din tayo sa mga proyekto para sa pangangalaga sa ating inang kalikasan,” ayon kay Bishop Presto.
Nasasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na hindi maaaring ihiwalay ang ating relasyon sa kalikasan sa ating pakikipagugnayan sa kapwa at sa Diyos, dahil mawawalan ito ng saysay at maituturing na pagkukunwari o pagpapakitang tao lamang.
Nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na lahat tayo ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.