2,619 total views
Hinimok ng pinunong pastol ng Diyosesis ng Tagbilaran ang mananampalataya na suportahan ang programang ‘Parish-Forest’ ng diyosesis.
Ayon kay Bishop Alberto Uy layunin ng programa na mapalawak ang mga kagubatan sa lalawigan ng Bohol sa pangunguna ng simbahan.
Naniniwala ang obispo na mahalagang paunlarin ang pagtatanim ng mga punongkahoy upang mapangalagaan ang kalikasan at mapanatili ang maayos na kalidad ng hanging malalanghap ng mamamayan.
“Mga igsuon palihog tabangi ninyo ang programa sa Diocese of Tagbilaran ‘Parish Forest’, matag parokya naay gam-ong lasang; mahimo kining tinuod kong kitang tanan magtinabangay [Mga kapatid suportahan ninyo ang programa ng Diocese of Tagbilaran na ‘Parish-Forest’, bawat parokya magpapaunlad ng kagubatan; maisasakatuparan ito kung lahat tayo ay magtutulungan],” ayon sa mensahe ni Bishop Uy.
Kaugnay nito umapela ang obispo sa mga mamamayan na may mga lupang nakatiwangwang partikular sa mga bulubunduking lugar na makipag-ugnayan sa kanilang mga parokya at makiisa sa nasabing programa.
Ibinahagi ni Bishop Uy na dalawa hanggang tatlong ektarya ang tinitingnang lawak bilang panimula sa ‘Parish-Forest’ program.
Itatanim dito ang mga ‘fruit-bearing trees’ at mga native na punongkahoy tulad ng narra.
Ito ay patuloy na pagsasabuhay sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si kung saan hinimok ang bawat isa na pangalagaan ang nag-iisang tahanan upang maiwasan ang tuluyang pagkasira nito.
Aktibo ang obispo katuwang ang mga lingkod ng simbahan, mga kabataan at iba’t ibang organisasyon sa Bohol sa pangangalaga ng kalikasan.
Tiniyak ni Bishop Uy sa mamamayan na kung may matutukoy ng lugar para sa Parish-Forest nakahanda ang mga ahensya ng lokal na pamahalaan ng Bohol sa tulad ng Bohol Environment Management Office sa pagbibigay ng mga punong itatanim.
Sa kasalukuyan may 58 ang mga parokyang nasasakop sa Diyosesis ng Tagbilaran at maging bahagi sa nasabing programa.
Magandang pagkakataon din itong proyekto lalo’t ipinagdiriwang ngayong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre ang Season of Creation na may temang ‘A Home for all? Renewing the Oikos of God”.
Umaasa ang obispo na makiisa ang mamamayan sa magandang hangaring palawakin ang pangangalaga sa kalikasan para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.