2,162 total views
Nanawagan sa pamahalaan si Taytay Palawang Bishop Broderick Pabillo na bigyang pansin ang paaralang binabaha at nasira ng pananalasa ng mga natural na kalamidad sa Pilipinas.
Ito ay bilang paghahanda sa pagsisimula ng School Year 2023-2024 sa August 29 sa mga pampublikong paaralan.
Pinakikilos din ni Bishop Pabillo ang pamahalaan na tugunan ang kakulangan ng mga maayos na evacuation centers sa Pilipinas upang hindi magamit ang mga paaralan sa tuwing may kalamidad.
“Sa wakas magbubukas na ang mga klase sa mga public schools natin pero ang nakakalungkot may iba pang mga lugar na hindi pa handa lalung-lalu na yung mga binaha at saka yung mga ginagawang evacuation centers sana po mahanapan ng solusyon ng pamahalaan at lalung-lalu na ang mga eskwelahan na binabaha at nagiging evacuation center tuwing may mga disasters.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas
Mensahe naman ng Obispo para sa mga mag-aaral, guro at kawani ang kahandaan sa pagtuturo, pakikinig at paggalang sa mga estudyante para sa pagtatagumpay ng school year 2023-2024.
Sa datos, noong nakalipas na taon ng pag-aaral, umabot sa 91-libong mga classrooms ang kulang sa mga paaralan upang punan ang 35-bilang na estudyante sa bawat silid paaralan.
Inaasahan naman ng Department of Education sa bagong taon ng pag-aaral na makamit o mahigitan ang 28-milyong bilang ng mga enrollees noong School Year 2022-2023.