27,582 total views
Gawing ehemplo ang mga bayani higit na si Gat Jose Rizal upang patuloy na maisabuhay ang pagmamamahal at pag-aalaga sa bayan.
Ito ang paanyaya ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa paggunita ng ‘Jose Rizal Day’ na pag-aalala sa kamatayan, buhay, likhang obra at ambag sa paglaya ng bansa mula sa kasarinlan ng pambansang bayani ng Pilipinas.
Umaasa ang Obispo na sa tulong ng araw ng paggunita ay mapukaw rin ang mas marami pang Pilipino na maging mapagmahal sa kapwa upang maging daluyan ng habag o pagmamamahal ng Diyos para sa sanlibutan.
Inihayag ng Obispo na sa kabila ng modernisasyon at magkakahiwalay na pagtahak sa landas tungo sa pagtatagumpay ay mahalaga parin na maisabuhay ang pagtutulungan sa lipunan.
Ito ay upang sama-samang maitaas ng pamahalaan, mamamayan, at iba pang sektor ng lipunan ng antas ng pamumuhay ng bawat isa higit na nga mga pinakanangangailangan sa lipunan.
“Mahalaga na maiintindihan din natin yung mga ginagawa natin ay lalo pang mapapabuti natin kapag ito’y ginagawa natin para sa ating bayan at para sa ating sama-samang pagtugon sa bayan na dapat bigyan ng parangal sa pamamagitan ng pagtitiyak na magaganda ang buhay ng mga Pilipino,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Mallari.
Ito ang ika-127 taong paggunita ng kamatayan ni Gat Jose Rizal na pambansang bayani ng Pilipinas matapos ipaglaban ang kalayaan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga tula, nobela at iba pang literature.