202 total views
Naniniwala ang Obispo ng Luzon na masosolusyunan ang dumaraming bilang ng mga sumukong drug users at pushers kung magtutulungan ang bawat rehiyon sa pagpapatayo ng rehabilitation centers.
Ayon kay Diocese of Laoag Bishop Renato Mayugba, hindi kakayanin ng isang parokya o Diyosesis ang pagbibigay ng pasilidad kayat kinakailangan ang tulong at saklolo ng bawat rehiyon upang maisakatuparan ito.
Sinabi ng Obispo na mas mapapabilis ang pagtugon ng Simbahan kung magtutulungan ang bawat ecclesiastical provinces na paramihin pa ang rehab centers sa bansa.
“Kung talagang dibdiban, seryosong rehab center medyo kakailanganin natin ang funding noon. Pero siguro ang inisip ko niyan baka mahihirapan on a diocesan level baka on a regional level magtutulungan yung mga juridical jurisdiction. Otherwise mahirap naman mag-multiply ng rehab center, pano yung maintenance mo nun?” pahayag ni Bishop Mayugba.
Hinimok rin ng Obispo ang mga doktor na handang mag – alay ng kanilang oras at panahon para bumuo ng kanilang hanay na tututok sa rehabilitasyon ng mga drug related surrenderees.
“Kung meron sanang mga doctors who are willing to render some kind or mag-organize ng medical team to work for rehab that could be an option. Kesa yung ilagay mo sila lahat sa kulungan siksik sila dun. They are all restraint pero wala namang intervention to help them personally to overcome an addiction,” giit pa ni Bishop Mayugba.
Sa datos na binanggit ni Senate Minority Leader Senator Ralph Recto, lumilitaw na 3,216 lamang ang kabuuang bilang ng mga bed sa mga government at private drug rehabilitation center.
Batid rin na walang government rehabilitation center sa halos kalahati ng mga rehiyon sa bansa.
Nauna na ring iminungkahi ni Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma na gawing rehabilitation center pansamantala ang mga parokya sa kanyang arkidiyosesis.