182 total views
Nanawagan si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa sambayanang Filipino na magbuklod matapos ang pagkakawatak-watak dulot ng nagdaaang halalan.
Umaasa ang Obispo na hindi masira ng natapos na eleksyon ang mga personal na ugnayan sa kapwa.
“Let us all move on, sana ang halalan ay huwag magsira ng ating personal relationships with one another. Peace is attainable when we are all friends,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Iginiit ng Obispo na makakamit ang kapayapaan kung magkakasundo-sundo ang lahat sa kabila ng magkakaibang pinanigan ngayong halalan.
Hiniling naman ni Bishop Bagaforo sa mga nanalong kandidato na isabuhay ang katapatan at integridad sa pamumuno at pinaalalahanan ang sambayanan na patuloy na magbantay sa pangakong pagbabago ng mga nahalal.
“Honesty and integrity. Sana lahat winning candidates isabuhay ito. Sa taongbayan to constantly remind our political leaders on their promised plata forma,” ayon pa sa obispo.
Panawagan din ng obispo sa lahat ang patuloy na panalangin para sa kaliwanagan ng lahat at gabay sa mga nanalong kandidato.
“Let us continue to pray for God’s enlightenment and guidance for all winners.” panawagan ni Bishop Bagaforo
Sa mensahe ni Pope Francis sa ‘52nd World Day of Peace 2019’ ang Good Politics is at the Service of Peace, binigyang diin ni Pope Francis ang mahalagang gampanin ng mga lider ng pamahalaan ang pagkamit ng pangkalahatang kapayapaan at kaayusan sa buong daigdig.