534 total views
Nangangamba si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona para sa kalagayan ng mga magsasaka sa Brooke’s Point, Palawan dahil sa epekto ng pagmimina.
Kaugnay ito sa binabalak na muling ipagpatuloy ang pagmimina sa Barangay Ipilan, Brooke’s Point na proyekto ng Lebach Mining Corporation kasunod ng pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ban on open-pit mining.
Ayon kay Bishop Mesiona, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission, lubhang maaapektuhan ng pagmimina ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa mga ginagamit na kemikal na mapanganib kapag napunta sa mga pananim.
Sinabi ng obispo na nagreresulta rin sa malawakang pagbaha ang pagmimina lalo na kapag may kalamidad dahil ang mga tubig na magmumula sa mga pinatag na kabundukan ay bababa sa paanan ng bundok at direktang makakaapekto sa hanapbuhay ng mga magsasaka.
“Maapektuhan na naman ang mga magsasaka dahil sa chemicals na gagamitin sa pagmimina. Tiyak tayo na pag umuulan at bumabaha ay pupunta ito sa mga palayan at sakahan ng mga magsasaka,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang sinabi ni Bishop Mesiona na ang pagmimina sa Palawan ang dahilan ng madalas nang pagbaha sa lalawigan na naranasan noong Disyembre 2021 dulot ng Bagyong Odette.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umabot sa halos limang bilyong piso ang halaga ng mga nasirang pananim dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo.
Nananawagan naman si Bishop Mesiona sa mga kinauukulan na gampanan nang wasto ang kanilang mga tungkulin na isinasaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan at taumbayan bago pahintulutan ang mga ganitong uri ng proyekto.
“Kaya panawagan po natin sa kinauukulan na pag-isipang maigi bago ipagpatuloy ang planong pagbubukas ng minahang ito,” ayon kay Bishop Mesiona.
Ang Lebach Mining Corporation na nakatuon sa nickel ore extraction project ay kabilang sa 28 minahan sa bansa na sinuspinde noong 2017 ng dating Department of Environment and Natural Resources Secretary at yumaong si Gina Lopez.