2,168 total views
Bibisitahin ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang Talim Island kasunod ng insidente ng paglubog ng bangka sa bahagi ng Laguna de Bay sa Binangonan, Rizal.
Pangungunahan ni Bishop Santos ang funeral mass sa Santo Domingo Parish, Talim Island katuwang ang kura paroko na si Fr. Edwin Tirado para sa mga nasawi mula sa insidente.
“Once the Coast Guards allows the travel, we will set funeral mass, and I will go there. As of now, we pray and offer our Holy Masses for the eternal repose of those who perished and implore our God for His grace and strength to all the bereaving families,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinalungkot ng obispo ang nangyari sa mga biktima nang lumubog ang sinasakyang bangkang de motor na Princess Arya habang patungo sa Talim Island nitong Hulyo 27.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Antipolo Social Action Commission (SAC) sa pangunguna nina SAC director Fr. Bien Miguel, Jr. at Assistant SAC director Fr. Alex Miday upang agad na matulungan ang mga biktima at naiwang pamilya.
Kabilang naman sa mga biktima ng insidente ang limang parish workers, at isang guro ng Our Lady of Peace School sa Antipolo.
“The Diocese is very much proactive to help and assist the victims and their families. Our Diocese is at their service especially in this moment of great loss and bereavement,” ayon kay Bishop Santos.
Batay sa huling ulat ng Binangonan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 27-katao na ang kumpirmadong nasawi, habang 40 naman ang nakaligtas.
Ipinag-utos naman ni Bishop Santos sa buong diyosesis ang mission appeal sa pamamagitan ng ‘special collection’ sa mga misa ngayong Linggo na ilalaan bilang tulong sa mga biktima ng insidente.