9,535 total views
Hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga Pilipino na mas paigtingin ang pakikiisa sa pagsusulong ng katarungang panlipunan upang patuloy na mapabuti ang kalagayan ng lipunan at ng buong daigdig.
Sa kanyang mensahe para sa paggunita ng World Social Justice Day ngayong Pebrero 20, binigyang-diin ng obispo ang mahalagang papel ng bawat isa sa pagtugon sa mga umiiral na suliraning panlipunan.
“Social justice is the foundation upon which we build an impartial world. It is the guiding principle that calls us to recognize the dignity of every human being, to stand in solidarity with the marginalized, and to strive for a society where everyone has the opportunity to flourish. It is our moral duty to ensure that the voices of the oppressed are heard, and their plight is addressed with urgency and empathy,” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa obispo, sa kabila ng patuloy na paghihirap ng marami, tungkulin ng bawat isa na palalimin ang kanilang kamalayan upang higit na maunawaan ang mga kinakaharap na hamon ng kanilang kapwa. Sa pamamagitan nito, maaaring simulan ang mga makabuluhang hakbang at inisyatibong tutugon sa pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan at kawalan ng katarungan.
Nanawagan din si Bishop Santos sa mga mananampalataya na yakapin at isabuhay ang tema ng World Social Justice Day ngayong taon upang maging mas epektibo ang sama-samang pag-ahon mula sa kahirapan at ang pagsulong ng pantay-pantay na pag-unlad sa lipunan.
“Nawa’y maunawaan ng bawat isa na ang katarungang panlipunan ay hindi isang imposibleng mithiin. Kung tayo ay magtutulungan—kasama ang pamahalaan, mga institusyon, at bawat mamamayan—maaari tayong makabuo ng isang lipunang pinaghaharian ng pagkakaisa, malasakit, at tunay na paggalang sa karapatan ng bawat isa,” dagdag pa ng obispo.
Bilang bahagi ng pandaigdigang paggunita, itinakda ng United Nations ang temang “Empowering Inclusion: Bridging Gaps for Social Justice” ngayong taon. Layunin nitong ipaalam sa buong mundo ang kahalagahan ng bukas at matapat na diyalogo upang mapabuti ang lipunan at maisakatuparan ang tunay na katarungang panlipunan.