203 total views
Mariing kinundena ng lider ng Simbahang Katolika sa Balanga ang panibagong pang-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga Obispo.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos lubhang mapanganib at magdudulot lamang ng pagkakawatak watak sa mamamayan ang pahayag ng Pangulo na paslangin ang mga Obispo na pumupuna sa kaniyang administrasyon.
“This is a very heartless statement, very harmful to all. Not only attacking the Church but dividing our country and showing that there is only hatred in his heart,” bahagi ng mensahe Bishop Santos sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, nakakaawa na sa hindi maingat na pamamahayag ni Pangulong Duterte ay unti-unti itong nawawalan ng moralidad sa kaniyang pamamahala bilang pinuno ng bansa.
Sa pahayag ng Pangulo kasabay ng awarding ceremony ng 2017 Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities na ginanap sa Malacañang hinimok nito ang mamamayan na patayin ang mga Obispo dahil sa pamumuna sa kaniyang pamamalakad sa bansa.
Kaugnay dito, nanindigan si Bishop Santos na hindi ito natatakot sa banta ng Pangulo sa halip ay ipinagpapasa-Diyos na lamang ito.
“I have no fear with his threat. Let us just pray for him,” ani ni Bishop Santos.
Iginiit ng tagapamuno ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang pahayag ng pinuno ng Pilipinas ay nagdudulot ng kahihiyan sa kaniyang sarili at kabiguan sa mamamayang may takot sa Diyos.
Ang maanghang na mga pahayag ng Pangulo laban sa mga lingkod ng Simbahang Katolika ay dulot ng hayagang pagpuna ng mga pastol ng Simbahan sa mga maling polisiya ng pamahalaan tulad ng pagpapatupad ng giyera kontra droga na ikinasawi ng mahigit sa 20, 000 indibidwal, pagtaas ng bilang ng kahirapan dahil sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa at ang pagsawalang-bahala ng administrasyon sa sitwasyon ng West Philippine Sea na inangkin ng China.
Samantala, sinabi naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na pinatutunayan lamang ng pangulo sa kanyang mga pahayag na mayroon na siyang malalang sakit.
Dahil dito, hinikayat ng Obispo ang sambayanan na kaawaan, ipanalangin at huwag na lamang pansinin ang Pangulo.
“Pinatutunayan lamang ni Duterte na may malalang sakit na siya. Kaawaan sya at ipagdasal at ‘wag nang pansinin.” bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.