3,616 total views
Itinalaga ng Santo Papa Francisco si Balanga Bishop Ruperto Santos bilang pinunong pastol ng Diocese of Antipolo.
Ito’y makaraang tanggapin ng Santo Papa ang pagretiro ni Antipolo Bishop Francisco de Leon ng maabot ang mandatory retirement age na 75 taong gulang.
Si Bishop Santos ay ipinanganak noong October 30, 1957 sa San Rafael Bulacan at naghubog sa pagpapari sa San Carlos Seminary at naordinahan September 10, 1983.
Sa halos apat na dekadang pari ilan sa mga naging tungkulin nito ang deputy parish priest ng Immaculate Conception, chaplain ng Pasig Catholic College at kura paroko ng Maybunga.
Kumuha ng licentiate ng history sa Pontifical Gregorian University sa Roma at naging professor ng Church history sa San Carlos Seminary habang naging rector at superior ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma bago italagang obispo ng Balanga noong April 1, 2010.
Bukod sa pagiging obispo ng halos 13 taon sa Bataan pinamumuan din ni Bishop Santos ang ilang tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kung saan sa kasalukuyan itong Chairman sa Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filippino at Vice Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples.
Bukod pa rito si Bishop Santos din ang Bishop Promoter ng Stella Maris Philippines ang grupong nangangalaga sa kapakanan at karapatan ng Filipino Seafarers habang ito rin ang episcopal coordinator ng Divine Mercy Philippines and Asia.