286 total views
Patuloy na humihiling ng suporta ang Prelatura ng Batanes para sa mamamayan sa lugar partikular sa Itbayat na labis na naapektuhan ng magkasunod na lindol.
Ayon kay Bishop Danilo Ulep, mahalagang maipadama ng kapwa Filipino ang pagmamalasakit at pagmamahal sa mga taga-Itbayat ngayong humaharap ito sa krisis makaraang yanigin ng 5.4 at 5.9 magnitude na lindol noong ika – 27 ng Hulyo.
“I’m continuing to appeal to our people, our brothers and sisters to continue to show our support and solidarity in whatever way they could,” pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Ibinahagi pa ng Obispo na patuloy ang pagmomonitor ng prelatura sa pakikipagtulungan ng pamahalaan sa epekto ng lindol sa Itbayat lalo na sa kabuuang halaga ng mga nasirang kabahayan at sa simbahan ng Nuestra Señora del Rosario.
Sinabi ng Obispo na may grupo ng mga Pari ang prelatura na kasalukuyang nasa Itbayat upang alamin ang pangangailangan para sa long term rehabilitation ng halos 3, 000 indibidwal o higit 900 mga pamilyang apekatado sa lindol.
“Focus ko ngayon ay long term rehabilitation, on our end we assist whatever the government is doing in terms of rebuilding the homes and for our part we immediately rebuild the church lalong lalo na that’s the symbol of unity of our people,” ani ng Obispo.
Paliwanag ni Bishop Ulep, mahalaga ang muling pagtatayo sa simbahan sapagkat ito ay nagbibigay lakas sa mga mananampalataya sa Itbayat dahil ito ang lugar ng kanilang pagtitipon sa pagbibigay papuri sa Panginoon.
BABALA SA PUBLIKO
Nagbabala naman si Bishop Ulep sa publiko laban sa mga taong sinasamantala ang kalamidad ng Batanes para sa panloloko sa pamamagitan ng paghingi ng mga donasyong salapi gamit ang pangalan ng Obispo partikular sa social media.
Nilinaw nito na iisang bank account lamang ang pinapayagan para sa mga nais mag-donate ng salapi para sa rehabilitasyon.
Nagpapaalala ang Obispo sa mamamayan na suriing mabuti ang bawat humihingi ng tulong lalo sa social media upang makaiwas sa panloloko.
“Gusto ko lang po malaman na nag-iisang bank account lang po ang ino-authorized ko doon sa gustong tumulong sa aming mga kababayan na nasalanta ng lindol yun po ay sa account namin sa Landbank and there’s no other,” giit ni Bishop Ulep.
Sa mga nais magbigay ng tulong pinansyal maaring magdeposito sa bank account ng prelatura sa Landbank (Basco Batanes Branch) na may account name na ‘Prelature of Batanes’ at account number 1081-0502-08.
Hiling pa ng Obispo sa mga taong magdedeposito na kung maaari ay ipadala ang kopya ng deposit slip sa email address na [email protected] upang mabigyan ng opisyal na resibo mula sa prelatura at matiyak na makararating ang mga tulong sa kapakinabangan ng mga residente ng Itbayat.
PASASALAMAT
Nagpasalamat din si Bishop Ulep sa mga nagpapatuloy ng kanilang pananalangin para sa mga biktima ng trahedya at gayundin sa mga nagbigay ng paunang tulong.
“I am very thankful that good number of people, generous kind-hearted people who are willing to help; in fairness to government there’s an augmentation team helping out,” saad pa ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Nauna na ring nagbigay ng P200,000 ang CBCP-NASSA/Caritas Philippines mula sa pondo ng Alay Kapwa Solidarity Fund upang magamit ng prelatura sa pagsasagawa ng relief operations.
Nagpalabas na rin ng solidarity appeal si Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang chairperson ng social action arm ng Simbahang katolika sa Pilipinas para sa patuloy na pagtulong sa prelatura ng Batanes at paghahanda sa mga kalamidad na mararanasan sa bansa.
Sa mga nais magpaabot ng kanilang tulong pinansyal maaring magdeposito naman sa Bank of the Philippine Islands (Intramuros, Manila branch) sa account name na CBCP CARITAS FILIPINAS FOUNDATION, INC. NASSA, account number 4951-0071-08 at sa Metrobank (CBCP-lntramuros branch) sa account name na CBCP Caritas Filipinas Foundation Inc., account number 632-7-63202788-1.
Tiniyak ng simbahan na ang kahandaang umagapay sa mamamayang maapektuhan ng kahit anong uri ng kalamidad sa bansa.