318 total views
Nagpaabot ng panalangin si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease sa bansa.
Ayon kay Bishop Mangalinao na nawa’y patuloy na ipagkaloob ng Panginoon ang pagkakaroon ng malawak na pang-unawa upang malagpasan ang lahat ng mga pagsubok na hinaharap dulot ng pandemya.
Ipinagdarasal din ng Obispo ang pagtulong sa mga lubos na nangangailangan ng suporta lalo’t higit ang mga apektado ng sakit at mga mahihirap na walang makain dahil sa kawalan ng hanapbuhay.
“Habang kami po ay nag-iingat na [hindi] mahawa at makahawa, tulungan mo po kami na higit na maging malawak ang isipan, masigla ang kalooban na maisagawa namin ang aming tulong kahit sa maliit na paraan upang maabot namin ang lubhang nangangailangan,” panalangin ni Bishop Mangalinao para sa kaligtasan laban sa COVID-19.
Hinihiling din ng Obispo na nawa’y magtulung-tulong ang lahat ng mga pinuno ng bansa at simbahan upang makapagbuo ng mga desisyong makatutulong upang malunasan na ang sakit at tuluyan nang makamtan ang matiwasay at payapang pamumuhay.
“Gayundin po’y itinataas namin muli ang mga nasa pamahalaan, ang mga lider-lingkod simbahan upang sama-sama kaming mag-isip, magdesisyon at gumawa ng nararapat para sa sambayanan,” panalangin ng Obispo.
Suliranin ngayon sa bansa ang hindi maayos na sistemang pangkalusugan kung saan hindi na kayang tanggapin pa ng mga ospital na sakop ng NCR plus bubble (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal) ang mga pasyenteng mayroong COVID-19.
Naitala sa bansa noong Abril 2 ang 15,310 panibagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas batay sa mga datos ng Department of Health dahil sa COVIDKaya System Issue kung saan idinagdag ang 3,709 na panibagong kaso na dapat sana’y kabilang sa ulat na inilabas ng ahensya noong Marso 31.
Batay naman sa huling ulat ng DOH, naitala ang 12,576 na karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa, habang 599 ang naitalang gumaling at 103 naman ang mga nasawi.