35,360 total views
Umaapela ng panalangin si Boac, Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. para sa kagalingan ng mga maysakit na pari ng diyosesis.
Nabanggit sa liham-sirkular ng obispo na apat sa mga pari ng diyosesis ang kasalukuyang naka-confine sa ospital dahil sa malalang karamdaman.
Pagbabahagi ni Bishop Maralit na tatlo sa mga pari ang nasa Mt. Carmel Diocesan General Hospital sa Lucena City, Quezon habang isa naman ay nasa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
“In times like this, medical intervention is necessary… However, we also believe that the power of prayers especially of all the Christian Communities in our diocese will not only guide their attending doctors, protect and secure our patients but even more hasten their recovery and even effect miraculous healing if it is God’s will,” panawagan ni Bishop Maralit.
Naglabas naman ng panalangin ang Diocese of Boac para sa mga paring may sakit na uusalin bago magsimula ang mga Banal na Misa araw-araw hanggang sa kanilang tuluyang paggaling.
PANALANGIN PARA SA MGA MAYSAKIT NA PARI
Panginoong Hesus, aming Mabuting Pastol
Tinawag mo ang iyong mga pari upang makiisa sa Iyong misyon na akayin kami sa Iyong Ama
sa pamamagitan ng daan ng kabanalan
ang pagmamahal at wagas na paglilingkod.
Inaalala namin ngayon sa natatanging paraan
ang kapariang naging bahagi ng aming buhay at naging daan upang lumalim
ang aming pakikipag-ugnayan sa Iyo.
Isinasamo namin sa Iyo na patnubayan Mo po sila
upang sa pamamagitan ng kanilang matalik
na pakikipag-ugnayan sa Iyo sa pagdarasal
nawa’y mahubog ang kanilang katauhan ayon sa iyong kalooban.
Isinasamo rin namin sa Iyo ang aming mga pari
na ngayon ay may malubhang karamdaman
Hinihiling namin na hipuin mo sila
ng iyong mapagpagaling na mga kamay.
Sapagkat kung kami ay iyong nilikha mula sa kawalan nakatitiyak kami na patuloy mo silang iingatan.
Para sa kaluwalhatian ng Iyong Ama
at sa iyo Panginoong Hesus na aming Tagapamagitan
kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan.
Amen.
Batay sa tala ng Catholic Hierarchy noong 2021, ang Diyosesis ng Boac ay binubuo ng nasa 80 mga pari na gumagabay sa 250-libong mananampalataya mula sa 14 parokya.