237 total views
Nagpaabot ng panalangin si Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez sa mga mananampalataya at sa lahat ng mamamayan sa Mindanao na naapektuhan ng mga pagsabog at patuloy na nangangamba sa kanilang kaligtasan.
Ipinanalangin ng Obispo na nawa ay manatiling mapanatag ang mga tao at hindi na magkaroon ng ibayong komplikasyon ang naganap na pagsabog.
Dagdag pa ng Obispo, makamit nawa sa lalong madaling panahon ang katahimikan at kapayapaan sa lugar, at mangibabaw din ang katarungan para sa mga biktima ng pagsabog.
“Sana po ay manatiling matatag at manatiling mapanatag ang mga tao, hindi mag gawa ng complication ang mga pangyayari para ma maintain ang katahimikan sana po mangibabaw ang hustisya kung sino po ang gumawa ng ganitong mga bagay na nakakaapekto sa kapayapaan ng isang komunidad.” Bahagi ng panalangin ni Bishop Varquez.
Matatandaang noong linggo ng umaga ika-27 ng Enero dalawang bomba ang sumabog sa Jolo Cathedral na kumitil sa buhay ng 20 indibidwal at nag-iwan ng mahigit sa 100 mga sugatan.
Samantala nito namang umaga ng ika-30 ng Enero, sumabog din ang granada sa loob naman ng Logoy Diutay, Barangay Talon-Talon mosque sa Zamboanga City na nagdulot ng pagkasawi ng dalawang indibidwal habang tatlo ang sugatan.
Una na ring nagpaabot ng panalangin si Davao Abp. Romulo Valles, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa nangyaring insidente ng pagsabog sa Katedral ng Jolo.
Naniniwala ang simbahang katolika na hindi malulutas sa pamamagitan ng karahasan ang anu mang hindi pagkakasundo, at kailanma’y hindi makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng paggamit ng dahas.