753 total views
Nilinaw ni Legazpi Bishop Joel Baylon na walang katotohanan ang kumakalat na solicitation letter na mayroon siyang pangalan at lagda.
Sa kanyang Facebook post, ibinahagi ng Obispo ang kopya ng kumakalat na pekeng solicitation letter kung saan kalakip ng liham ang kanilang pangalan at lagda ni Rev. Fr. Ricardo B. Barquez, Jr.
Ayon kay Bishop Baylon, kapwa sila walang kilalang Rev. Noel Cabaluna na kandidato sa ordinasyon ng pagpapari at nangangailangan ng suporta o donasyo para sa nakatakdang ordinasyon.
Paalala ng Obispo mahalagang maging alerto ang bawat isa sakaling makatanggap ng mga kaduda-dudang solicitation letter lalo na sa pamamagitan ng online transaction.
“THIS LETTER IS FAKE!!!! Fr. Ricardo Barquez and I deny having signed this “solicitation letter”. Neither he nor I know of any Rev. Noel Cabaluna who is about to be ordained to the priesthood. PLEASE DISREGARD THIS FAKE LETTER!” Ang bahagi ng paglilinaw ni Bishop Baylon.
Nagpaabot naman ng panalangin ang Obispo para sa lahat ng mga grupo at indibidwal na nananamantala ng kapwa para sa pansariling kapakinabangan.
“May God have mercy on those who take advantage of their fellow human beings.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Kaugnay nito patuloy na pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng Simbahan, kongregasyon, cardinal, obispo, pari, madre at iba pang lingkod ng Simbahan upang makapanglinlang at makapangalap ng pinansyal na donasyon.