241 total views
Hinangaan ni Diocese of Gumaca Bishop Vic Ocampo ang istilo ng pagtuturo ng yumaong si Malolos Bishop Jose Olivero.
Ayon kay Bishop Ocampo, mahusay ang pamamaraan ni Bishop Oliveros sa paghubog sa mga seminarista at natutuwa siyang naging kabilang sa mga noo’y bagong pari pa lamang na tumanggap ng magandang aral mula sa namayapang Obispo.
“Sa mga naging pari na tinuruan niya sa Diyosesis ng Gumaca, humahanga ako sa kanyang pamamaraan ng paghuhubog ng mga seminarista, sapagkat sila ay natuto at natutuwa naman na sila ay tumanggap ng magandang aral mula kay Bishop Oliveros,” pahayag ni Bishop Ocampo sa Radyo Veritas
Bukod dito, hinahangaan din ni Bishop Ocampo ang kasipagan at dedikasyon ni Bishop Oliveros sa pagdalo sa taunang kapistahan ng Santo Kristo sa Quezon, ang lugar na kanyang pinagmulan.
Naniniwala si Bishop Ocampo na tulad ng larawan ng Santo Kristo na tumanggap sa pagpapakasakit, ay buong puso itong tinularan ni Bishop Oliveros dahil sa maluwag niyang pagtanggap sa pagpapakasakit na ipinagkaloob ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang karamdaman.
“Si Bishop ay nakakapanayam ko lagi sa kapistahan ng Quezon, May 3 at siya ay nakakahanga na lagi siyang umuuwi upang makiisa sa pag paparangal sa Santo Kristo ang Patron ng Quezon. Ang Santo Kristo ay alam natin na simbolo ng pagpapakasakit at yun ay kanyang tinanggap ng maluwag sa puso, ang pagpapakasakit ng ating Panginoon.” Dagdag pa ni Bishop Ocampo.
Kaugnay dito, matapos mailibing si Bishop Oliveros, hinimok naman ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang mga pari ng Diyosesis ng Malolos na magpakatatag, magkaisa at magtulungan, sa kabila ng pagkawala ng kanilang Obispo.
Umaasa si Bishop Evangelista, na ang maraming karanasan na pinagsamahan ni Bishop Oliveros at ng mga pari ay maipagpapatuloy sa Diyosesis at lalo pang mapaigting.
“Patuloy kayo na magkaisa at magtulungan sa Diyosesis na ito sa kabila ng pagpanaw ng inyong Obispo Bishop Jose Oliveros, sadyang maraming pinagsamahan kayo na dapat ninyong ipagpatuloy at sana ay lalo pang umigting ang inyong pagtutulungan dito sa Diyosesis.” Pahayag ni Bishop Evangelista sa Radyo Veritas.
Nitong ika-16 ng Mayo, pormal nang inanunsyo ng Vatican ang paghirang kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco bilang Apostolic Administrator ng Diocese of Malolos.
Si Bishop Ongtioco ang pansamantalang mangangasiwa sa Diyosesis, habang hinihintay ang paghirang sa magiging bagong Obispo ng Malolos.