1,607 total views
Nanawagan ng panalangin ang Obispo ng Prelatura ng Infanta para sa pangangalaga ng kalikasan gayundin sa mga indibidwal na patuloy nagmamalasakit upang ipagtanggol ang kaayusan ng kapaligiran.
Sa pahayag ni Bishop Bernardino Cortez, binigyang diin nitong mahalagang magkaisa ang mamamayan sa pagsusulong at pagtataguyod sa malinis at maayos na kalikasan sa kapakinabangan ng bawat isa.
Ipinanalangin din ng Obispo ang agarang paggaling ni environmentalist priest Rev. Fr. Pete Montallana na sumailalim sa operasyon dahil sa namumuong dugo sa utak.
Si Fr. Montallana ang lead convenor ng Save Sierra Madre Network Alliance ang grupong nangunguna sa pagtatanggol sa kabundukan ng Sierra Madre na nahaharap sa bantang pagkasira bunsod ng binabalak na Kaliwa Dam Project ng pamahalaan.
Batay sa nakalap na impormasyon mula sa grupong makakalikasan na kinabibilangan ni Fr. Montallana, tumaas ang blood pressure ng pari makaraan ang isinagawang pagdinig ng Senado sa usapin ng Kaliwa Dam.
Umaasa si Bishop Cortez na agarang manumbalik ang kalakasan ng kalusugan ni Fr. Montallana at maging huwaran ito ng mamamayan upang higit pang ipalaganap ang adbokasiya para sa kalikasan at mga katutubong komunidad.
PANALANGIN
[Ito po ang inyong lingkod ang obispo ng Prelatura ng Infanta samahan po ninyo ako sa pagdadasal para sa isa sa aming mga pari na si Fr. Pete Montallana na isa sa pangunahing nagsusulong ng adbokasiya para sa pagkakalinga ng ating kalikasan, sa pagmamalakasakit sa ating katutubo at sa tunay na panghabang panahong lunas sa problema ng tubig sa Kamaynilaan.]
Panginoong Hesukristo isinugo ka ng Ama upang tipunin ang lahat ng tao sa isang malaking mag-anak. Pagkaisahin mo po kaming magkakapatid na ngayon ay nananalangin para sa aming kapatid na may karamdaman na si Fr. Pete Montallana.
Ibuhos mo sa amin ang iyong Espiritu ng pagkakaisa, tulungan mo kaming mapalaganap ang kanyang mga adbokasiya sa pangangalaga ng inang kalikasan, sa pagmamalasakit at pagtatanggol sa karapatan ng ating mga kapatid na katutubo, at higit sa lahat ang Save Sierra Madre Network lalot higit ang No Kaliwa Dam and Yes to Alternative sources of water na lunas sa pangangailangan ng Kamaynilaan sa tubig.
Maging buhay na tanda nawa kami ng iyong pag-ibig at pagkakaisa kayo na nabubuhay kasama ng Ama at ng Espiritu Santo. Amen!