158 total views
Umapela si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pamahalaan partikular na sa Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC na ipagpatuloy ang kanilang naunsyaming proyekto na para sana sa mga mahihirap.
Ayon kay Bishop David, una na silang nakipagtulungan sa ahensya para mabigyan ng pabahay ang mga informal settlers sa lungsod ng Kalookan ngunit makalipas ang ilang pagpupulong ay hindi na ito umusad matapos magbitiw sa puwesto ang noo’y HUDCC chair na si Vice President Leni Robredo.
“Nakapag six meetings na kami ng Technical Working Group and we were closed in implementing it already and we would have build 2,500 units para sa mga urban poor families ng hindi kami mag-charge sa lupa. Kasi sabi ko let’s make it clear hindi ako humihingi ng pabor sa gobyerno nakikipag- partnership ako sa gobyerno na kung sila ay may puso para sa mga dukha count on us as partners. Nagbago ang takbo, sabi ko sana man lang i-honor ng HUDCC and partnership na to kasi we don’t go to HUDCC because of[VP] Leni Robredo we went there because of HUDCC, nung umalis siya parang wala na din yun aming project.” pahayag ni Bishop David.
Ang lupa na sinasabing pag-aari ng Simbahan ay nilalayong ipagkaloob sana sa mga informal settlers.
“Nanghihinayang ako na kasi nakipag-partner ako sa HUDCC, I was offering a piece of lot owned by the church na iniiskwatan ng 1,000 urban poor families. Wala naman kaming intensyon na itaboy sila pero sabi ko siguro sayang naman yung lugar we can maximum use of it.”giit ng Obispo ng Kalookan.
Nanindigan si Bishop David na ang Simbahang Katolika ay hindi kalaban ng gobyerno lalo na kung ang layunin ay para sa mga dukha at nangangailangan.
“Sino bang ayaw na mapabuti ang kalagayan ng mga dukha? kaya whenever the government is in the side of the common good especially for the alleviation of the poorest among the poor they can count on us hindi kami kalaban.”paglilinaw ng Obispo.
Sa datos ng SWS tinatayang nasa 10 milyong Pilipino ang itinuturing ang kanilang mga sarili na mahihirap.
Magugunitang ang Simbahang Katolika ang isa sa mga pinakamalaking charitable organization sa buong Mundo.