166 total views
Nanawagan nang ‘tigil putukan’ si Kidapawan, North Cotabato Bishop Jose Colin Bagaforo sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng grupo kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Semana Santa.
Ayon kay Bishop Bagaforo, ito ay upang maipagdiwang ng mamamayan nang tahimik at mapayapa ang holy week maging ng mga rebelde at ng mga sundalo.
“Nananawagan po tayo sa gobyerno at maging sa iba’t ibang rebeldeng grupo na magdeklara ng ceasefire. Ang dahilan po ay ang paggalang sa pananampalataya ng karamihan tungkol sa selebrasyon ng Semana Santa. Upang mabigyan po ng pagkakataon na gawin ang kanilang mga religious practices,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ayon sa obispo, aktibo pa rin ang presensya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at ang military operations sa mga bayan ng Magpet; Arakan; Makilala at Antipas sa North Cotabato.
Umaasa din si Bishop Bagaforo na igagalang din maging ng mga hindi katoliko ang banal na pagdiriwang na pagkakataon ng marami na makapagnilay at makiisa sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoon.
“Sana ang Semana Santa ay igalang natin bilang ‘expression of faith of our people’ gaya halimbawa ay igalang nila ang sanctity ng ating mga simbahan ng mga kapilya. Igalang nila ‘yung observance ng religious practices ng ating mga kababayan sa liblib na lugar na makapagdasal ng santo rosaryo, via crucis at makadalaw sa mga simbahan,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Nanawagan din si Bishop Bagaforo sa pamahalaan para muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NPA at ng pamahalaan ng Pilipinas tungo sa inaasama na pagkakasundo at pagkakaisa sa bansa.
Ang CPP-NPA ay itinatag taong 1969 at base sa 2017 report ng Department of National Defense ang grupo ay mayroong 5,000 miyembro sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag ng Santo Papa Francisco sinabi nitong hindi ang digmaan ang tugon sa anumang hindi pagkakaunawaan kundi ang payapang pag-uusap lalut kamatayan at pagkasira ng lipunan ang dulot ng kaguluhan.