762 total views
Hiniling ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mananampalataya ang panalangin para sa mga pastol ng Simbahan na magpatuloy sa misyong maglingkod sa kawan ng Panginoon.
Ito ang pagninilay ng Obispo sa ginanap na Chrism Mass ng Diyosesis kung saan sinariwa ng mga pari ang sinumpaang tungkulin bilang mga lingkod ng Simbahan.
Tiniyak ni Bishop Uy sa halos isang milyong mananampalataya ng Diyosesis ang matapat na paglilingkod at paghahatid sa mensahe ng Panginoon sa bawat pamayanan.
“Akong inyong obispo kasama ang mga kapatid kong pari muling mag-alay ng aming sarili sa paglilingkod sa Diyos at sa sambayanan; manunumpang tupdin ng may pagmamahal, kababaang-loob at makatotohanan ang aming tungkulin bilang mga pastol,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Hamon ni Bishop Uy sa mga kapwa pastol ng Simbahan ang pagpapaigting sa paglingap sa kawang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
Tinukoy naman ni Bishop Uy ang ilan sa mga gawaing nagpapahina at nagpapalayo sa ugnayan ng tao at Panginoon tulad ng pagbabahagi ng fake news na nagdudulot ng kasiraan ng kapwa; pagmumura, pang-iinsulto sa kapwa, at pagsasamantala sa kahinaan ng iba.
“Kung paiiralin natin ang mga masasamang katangian at nakagawian hindi ito ang Espiritu ng Diyos ang ating pinagsisilbihan kundi ang demonyo,” ayon pa sa Obispo.
Sa datos ng Catholic Hierarchy nasa 139 ang kabuuang bilang ng mga pari ng diyosesis sa pangunguna ni Bishop Uy na nangngasiwa sa 58 mga parokya.