19,457 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mamamayan ng Bohol na huwag lumagda sa umiikot na signature campaign o People’s Initiative na layong isulong ang Charter Change.
Binigyang diin ni Bishop Uy na anumang inisyatibo na hindi dumaan sa wastong konsultasyon at talakayan ay hindi makatarungan at malinaw na pagsusulong lamang ng interes ng iilang indibidwal.
“As Bishop of Tagbilaran, I advised our Boholano faithful not to trade their signatures for charter change. An initiative claiming to represent the people, without genuine input and consultation from the community, may ultimately serve the interests of only a select few,” ayon pa mensahe ni Bishop Uy.
Hindi rin kinatigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hakbang na People’s Initiative na magdudulot lamang ito ng pagkakahati-hati ng sambayang Pilipino sa halip ay hinimok ang pamunuan ng senado na pangasiwaan ang pag-amyenda sa ilang probisyon ng Saligang Batas lalo na ang economic provisions.
Matatandaang umiikot para sa signature campaign ang People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) sa pangunguna ni Noel Oñate na layong palitan ang umiiral na 1987 Constitution upang buksan ang ekonomiya at pahintulutan ang mga dayuhang makapagbukas ng mas maraming negosyo sa bansa.
Mariin naman kinundena ng ilang mambabatas at ng simbahang katolika ang hakbang lalo’t may kapalit na salapi ang paglagda ng mamamayan.
Nilinaw naman ni law professor Attorney Jose Manuel Diokno ang chairperson ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na hindi maaring baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative kundi pag-amyenda lamang ang maaring gagawin sa nasabing hakbang.
Iginiit ni Diokno na tanging Constituents’ Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (ConCon) lamang ang mga hakbang na maaring gagawin sa pagbabago ng konstitusyon.
Tiniyak ng abogado ang mahigpit na pagbabantay sa pangagalap ng lagda gayundin ang panawagan nina Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, Legazpi Bishop Joel Baylon at Dipolog Bishop Severo Caermare na huwag makiisa sa signature campaign na hindi ang tamang paraan sa pagpapalit ng Saligang Batas.