32,075 total views
Hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga pamayanan na higit pang isabuhay ang pagiging mabubuting katiwala ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga likas na yaman ng bansa.
Ayon kay Bishop Uy, ang ikabubuti ng kalikasan at pamamahala rito ay hindi lamang dapat ipagkatiwala sa mga lider, bagkus ito ay magkakatuwang na tungkulin ng bawat isa.
“By nurturing a deep sense of stewardship for our surroundings, we can contribute positively to the preservation of our ecosystem for generations to come,” ayon kay Bishop Uy.
Nagagalak din ang obispo sapagkat nadaragdagan pa ang bilang ng mga Boholanong nagpapahayag ng pagmamalasakit para sa nag-iisang tahanan.
Iginiit ni Bishop Uy na ang umuusbong na kamalayan ng mamamayan ay mahalaga para sa sama-samang paglalakbay tungo sa hangaring pagyabungin ang hinaharap.
“It is imperative that we elevate our consciousness regarding the state of our environment and the challenges it faces,” saad ni Bishop Uy.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa kontrobersyal na Captain’s Peak Resort sa pagitan ng Chocolate Hills sa Bohol na umani ng iba’t ibang reaksyon matapos na mag-viral ang video sa social media.
Ipinag-utos naman ng Department of Environment and Natural Resources ang temporary closure sa imprastruktura at tiniyak ang pagsasagawa ng inspeksyon.
July 1997 nang ideklara ng noo’y Pangulong Fidel V. Ramos ang Chocolate Hills bilang protected area, at 2016 naman nang mapabilang sa talaan ng National Geographic sa 19 na “most wild and beautiful places in the world” at inilarawan bilang isang hiwaga ng kalikasan.