189 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko ngayong Pasko at sa pagsalubong sa Bagong Taon ay dapat pa ring mag-ingat tiyakin ang kaligtasan laban sa COVID-19.
Ayon kay CBCP-Health Care Ministry Vice-chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio na hindi ibig sabihin nang unti-unting pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa kabila ng pandemya ay ganap nang ligtas ang lahat laban sa virus.
Paalala ng obispo na dapat pa ring sundin ng lahat ang mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad nang patuloy na pagsusuot ng face mask at ang social distancing.
“Sundin lang natin siguro ‘yung protocols ng IATF. Ito po ay tested na at nakapagbigay at nakapagdulot naman ng kasaganaan ng ating kalusugan. Siguro naman ito po ay masasabi natin na best practice upang malabanan at mapigilan ang COVID-19 transmission,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa ulat ng OCTA Research Group, bahagyang tumaas ang daily average rate ng mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa nitong araw ng Pasko.
Sa huling ulat ng Department of Health, naitala ang 433 panibagong kaso ng virus sa buong bansa kung saan umabot naman sa kabuuang bilang na 9,522 ang aktibong kaso.
Habang naitala rin ng DOH ang 283 panibagong bilang ng mga gumaling at 13 naman ang mga nasawi.