307 total views
Ikinatuwa ng opisyal ng International Catholic Migration Commission (ICMC) ang hatol laban sa recruiter ni Mary Jane Veloso, ang OFW na kasalukuyang nasa death row ng Indonesia.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, pangulo ng ICMC-Asia Oceania Working Group ito ang katotohanang magpapalaya kay Veloso kaugnay sa kasong pagpuslit ng iligal na droga.
“Justice is served. Truth has come out and eventually truth will set MJ free,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa hatol ng korte sa Nueva Ecija, hinatulang guilty sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao sa kasong large-scale illegal recruitment na inihain nina Lorna Valino, Ana Marie Gonzales, at Jenalyn Paraiso.
Sinabi ni Bishop Santos na malinaw itong indikasyon na biktima rin si Veloso sa pananamantala nina Sergio at Lacanilao.
“The guilty verdict to MJ’s illegal recruiters points out the innocence of MJ; she was just unwilling victim, used by heartless recruiters,” ani Bishop Santos.
Kasalukuyang nakakulong sa Indonesia at nakabinbin sa korte ang kaso ni Veloso kung saan noong 2015 naisalba ito sa hatol na parusang kamatayan.
Taong 2010 nang mahuli si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia dahil sa 2.6 kilong shabu na laman ng kanyang bagahe na ipinadala ng dalawang recruiter.
Umaasa si Bishop Santos na ito ang desisyon ng korte laban sa dalawang illegal recruiter ang maging daan sa paglaya ni Veloso.
“The verdict will help as strong evidence to resolve her case in the Indonesian court,” saad ng obispo.
Nagpasalamat si Bishop Santos, kasama ang buong CBCP migrants’ ministry sa Nueva Ecija Regional Trial Court branch 88 sa wasto at makatotohanang pasya kaugnay sa kaso nina Sergio at Lacanilao.
Patuloy na ipinanalangin ni Bishop Santos ang tuluyang paglaya ni Veloso upang makabalik na ito sa bansa at maligtas sa parusang ipinapataw ng Indonesia.
“We continue to pray that MJ will be eventually set free and remain strong, she suffers so much; Vindication is near; we hope and pray hard,” saad pa ni Bishop Santos.