243 total views
April 17, 2020, 5:43PM
Ang sitwasyon ng buong daigdig mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019 ay maituturing na isang malaking silid-aralan kung saan maraming mga aral ng buhay ang matututunan.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni CBCP – Episcopal Commission on Youth Chairman Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, kaugnay sa kinahaharap ng buong daigdig mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ayon sa Obispo, bagamat walang klase ang mga mag-aaral dahil sa implementasyon ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine ay maituturing namang isang malawak na silid aralan na maraming hatid na aral ng buhay ang sitwasyon ng daigdig mula sa COVID-19 para sa bawat isa.
Ipinaliwanag ni Bishop Alarcon na mahalagang matutunan ang naturang mga aral ng buhay hindi upang makakuha ng mataas na grado kundi dahil sa ang mga aral na ito ay maghahatid sa bawat isa papalapit sa Panginoon.
“Sa ating mga kabataan sa school tinuturuan tayo ng 21st century competencies learning for life, we in actual classroom that is kakaiba, let us continue to learn kahit wala tayo sa school, let us learn from life actually let us do this for our own life and for the life of others kaya dito ang buong mundo ngayon ay isang napakalaking classroom at ang lesson na ibinibigay sa atin ay talagang malalim yung mga lessons matuto tayo dito, wala yung grades but the lessons are very deep, the lessons are very very important, the lessons brings us back to the Lord and to one another…”pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Obispo na ang kasalukuyang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine ay isang pagkakataon upang higit pang mapalalim ang relasyon ng buong pamilya.
Dapat ituring ng mga kabataan na hindi bakasyon ang kasalukyang Enhanced Community Quarantine sa halip ay isang emergency o biglaang pangangailangan upang pansamantalang huminto at maging sensitibo sa mga bagay na nagaganap sa kapaligiran.
Umaasa din ang Obispo na maging huwaran ng mga kabataan ang mga frontliners na kinabibilangan ng mga medical personnel, pulis, militar, social workers, media personnel at maging mga lingkod bayan sa paglilingkod ng buong puso at tapang sa kabila ng banta ng kapahamakan para sa ikabubuti at kapanakanan ng mas nakararami.