195 total views
Muling nagpaalala ang pinunong pastol ng Diyosesis ng Bataan sa mga Filipinong makikilahok sa nalalapit na halalan na maging mapanuri at pagnilayan ang mga taong ihahalal na nararapat mamuno sa bayan.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), mahalagang taglayin ng mga kandidatong iboboto ang mga katangian ni Hesus na handang magsakripisyo para sa nasasakupang mamamayan.
Sinabi ni Bishop Santos na dapat alalahanin ng mahigit sa 60 – milyong botante si Hesus sa pagpili ng mga mamumuno sa bayan sapagkat Siya ang pinakakonkretong halimbawa ng mabuting Pastol na gumagabay sa kawan.
“With our national and local elections remember WWW, that is, Walk with Jesus, Write with Jesus, and Work with Jesus,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Una nang pinaalalahanan ni Bishop Santos ang mahigit sa 1.8 milyong Overseas Filipino Workers na nakiisa sa absentee voting na piliin ang mga kandidatong tunay na kakatawan ng kanilang sektor sa pamahalaan.
Bukod dito, mahalaga ring matiyak ng mga botante ang kandidatong pipiliin ay may tunay na hangaring maglingkod sa bayan at uunahin ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa pairalin ang personal na interes.
Sa pagninilay ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagtitipon ng Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) noong ika – 4 ng Mayo, ipinaliwanag nito ang tunay na kahulugan ng pulitika na ibig sabihin ay pangangalaga sa isang komunidad at sa mamamayan.
Read: Mga Layko, inanyayahang isabuhay ang pulitika sa paraan ni Hesus
Sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika ng Pilipinas sa Year of the Youth, hinamon nito ang mga kabataan na aktibong makilahok sa pagpili ng mga mamumuno sa bayan dahil sa tala ng Commission on Elections higit sa 20 – milyon ang mga kabataan na boboto sa darating na midterm elections.