19,617 total views
Hinimok ni Marbel Bishop Cerilo Casicas ang mga kapwa pastol ng simbahan na pagtuunan ang mga pamayanang ipinagkakatiwala sa kanilang pangangalaga.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng obispo sa pagbukas ng 46th Diocesan Clergy of Mindanao Convention sa misang ginanap sa Christ the King Cathedral sa Koronadal, South Cotabato.
Ayon kay Bishop Casicas, ang kawang pinangangalagaan ang nagpapaalala sa bawat pari ng prensya ng Panginoon kaya’t nararapat pahalagahan ang bokasyon.
“Gihagit kita na tan-awon kining mga tawo. They are the object of our ministry’s evangelization, they become signs of God’s presence to us,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Casicas.
Nagsimula ang pagtitipon ng Mindanaoan clergy nitong February 5 at magtatapos sa February 7 sa temang ‘DCM: Walking together with hope in the path to integral ecology.’
Mahigit 500 mga pari at obispo mula sa 21 episcopal sees ang nagtipon kabilang ang DADITAMA (Davao, Digos, Tagum at Mati; CABUSTAM (Cagayan, Butuan, Surigao, Malaybalay); ZAMBASULI (Zamboanga, Basilan, Sulu, at Ipil); KIDMACO (Kidapawan, Cotabato at Marbel), at ang DOPIM (Dipolog, Ozamis, Pagadian, Iligan at Marawi).
Unang kinilala ng mga lider ng simbahan sa Mindanao ang mga naunang pastol sa rehiyon na nagpasimula sa Mindanao-Sulu Pastoral Conference noong 1971 kung saan nakaugalian ang pagtitipon tuwing ikatlong taon.
Kabilang sa mga tampok at magandang bunga ng mga simbahan sa Mindanao ang basic ecclesial community o BEC na unang pinasimulan ng mga dayuhang misyonero noong 1960’s kasunod ng Vatican II na mas pinaigting matapos ang matagumpay na Mindanao-Sulu Pastoral Conference.
Tampok sa tatlong araw na pagtitipon na magtatapos sa February 7 ang mga panayam nina DCM Vice President Fr. Rey Raluto na tatalakay sa tema ng pagtitipon habang pangungunahan naman ni Archdiocese of Cotabato Vicar General Fr. Ben Torreto ang paglalahad sa kasaysayan ng Diocesan Clergy of Mindanao.
Magkakaroon din ng iba’t ibang sports event ang mga pari at pagpupulong ng Mindanaoan Bishops para sa mahahalagang usaping panlipunan at pansimbahan.