691 total views
Ang paggunita sa Araw ng mga Bayani ay hindi lamang patuloy na pagkilala kundi pagbalik-tanaw sa mabuting nagawa ng mga bayani na huwaran at inspirasyon ng mga Pilipino.
Ito ang paalala ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa mga Pilipino sa paggunita ng Araw ng mga Bayani ngayong taon.
Ayon sa Obispo, ang mga nagawa at halimbawa ng buhay ng mga bayani ay hindi lamang inspirasyon sa buhay ng bawat isa kundi maging para sa buhay espiritwal at buhay na walang hanggan.
Iginiit ni Bishop Florencio na mabuting gawing huwaran ang pagpapahalaga at pagsasabuhay ng mga bayani sa katotohanan, kalayaan, kapayapaan at dignidad ng buhay.
“Ang mas importante sa araw na ito na paggunita natin ng Araw ng mga Bayani ay ipakita din natin kung papaano nila isinabuhay ang mga bagay na ito about the sense of truth, the sense of life, dignity for life and also the highest commandment yung pagmamahal. Ngayong araw na ito tingnan natin kung ano ang pinahahalagahan natin, ano ba ang mga bagay na ito dahil ito ay magkakaroon ng kabuluhan kung bibigyan natin dahil hindi lang ito dito sa mundo but also the life to come in the other life,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Pinayuhan ng Obispo ang mga Pilipino na gunitain ang Araw ng mga Bayani sa pamamagitan ng spiritual perspective na binibigyang halaga ang katotohanan, buhay, at pagmamahal para sa bayan at kapwa.
“Sana ang pagdiriwang ay bigyan natin ng spiritual perspective. Unang-una, bibigyan natin ng halaga ang katotohanan, bigyang halaga ang Panginoon dahil the Lord is the Truth, God is the Truth, binibigyan natin ng halaga ang buhay dahil ang buhay ay nagmula sa Panginoon, at binibigyan natin ng kahalagahan ang pagmamahal mula sa Diyos, kung itong lahat ay tinitingnan natin as the first priority, perspective sa buhay natin then itong pagdiriwang natin ng Araw ng mga Bayani ay makabuluhan,” paglilinaw ng Obispo.
Ipinagdiriwang ang Araw ng mga Bayani bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa na ginugunita tuwing ika-apat na Lunes ng Agosto.