230 total views
Kakarampot lamang ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang P10 dagdag sa sahod ng nasa 15 milyong manggagawa sa NCR o National Capital Region.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon nagpapasalamat siya sa pagtataas ng sahod gayunpaman aniya napakaliit ng P 10 dagdag sa minimum wage dahil tanging pasahe sa jeep lamang ang kasing – halaga nito.
Nanawagan rin si Bishop Pabillo sa pamahalaan na bigyan prayoridad rin ang pagtataas ng sahod sa mga manggagawa sa probinsya na mas nangangailangan nito.
“Sa akin may dalawang point na ako. Una nagpapasalamat tayo merong pagtataas lalo na sa minimum wage. Pero tinitignan natin napakaliit ng sampung piso na pagtataas isang pamasahe lang yan. Napakaliit at alam naman natin ang layo ng ating minimum wage sa ating living wage ang isang sahod na makaka – suporta sa pamilya. At pangalawa, bakit dito lang yan sa Metro Manila panu yung iba? May mahirap nga yung mga tao sa probinsya natin. Alam natin ang mga kahirapan sa mga probinsya bakit dito lang yan sa NCR?” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nais rin ng obispo na maabot nawa ang sapat na sahod na nakabubuhay o living wage upang matulungan at guminhawa ang nasa 11.2 milyong pamilya na nagsabing sila ay mahirap batay sa pag – aaral ng Social Weather Station (SWS).
“Ayon sa pag – aaral ng NEDA at DOLE ang mga living wage aabot ng P1,000 a day yan. Ang mga below pa nga halos kalahati niyan kung ganoong pagtaas ng P10 pesos mga P491 lang ang layo kaysa sa living wage,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nauna na ring ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na kinakailangan igalang ang dignidad ng bawat manggagawa at ituring ang mga pangunahin nilang pangangailangan sa paglago ng kanilang pamilya tungo sa pag – unlad ng isang bansa.