180 total views
Tiniyak ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa mga Overseas Filipino Workers sa Lebanon na hindi ito pinababayaan ng Panginoon sa gitna ng mga pagsubok sa buhay lalo na bilang mga migrante.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, pagtibayin lamang ng bawat OFW ang kanilang pananampalataya sa Diyos upang gagabayan at mapagtagumpayan ang mga hamong kakaharapin sa patuloy na paglalakbay bilang mga migrante.
“Amidst your sufferings and sacrifices, even with pains and problems there are still H, that is, hope, help and healing. Don’t give up!” hamon ni Bishop Santos sa mga OFW.
Paliwanag ng Obispo na nasa Diyos ang pag-asa ng bawat nilalang.
Hinimok din ni Bishop Santos ang higit 30, 000 OFW sa Lebanon na magtulungan at makiisa sa misyon ni Hesus na lingapin ang kapwang nangangailangan ng tulong upang maibsan ang nararanasang paghihirap.
“God sends and moves people to help us; so extend your hands to help, open your hands to share and to work together,” ani ng Obispo.
Sinabi pa ni Bishop Santos bagamat nasasaktan ang tao sa mga pagsubok na kinakaharap hindi iniiwan ng Diyos Ama ang kanyang mga anak at binibigyan ang kaginhawaan sa pamamagitan ng pagpapatawad at ipinadadama ang dakilang pag-ibig na hihilom sa bawat isa.
“God helps, He heals. God will comfort us, He consoles us with His love, with His forgivenesses and God will take good care of us, especially those who have left behind,” giit pa ni Bishop Santos.
Muling tiniyak ng pinuno ng CBCP – ECMI sa mga OFW na kaisa ang buong Simbahang Katolika sa pananalangin para sa kaligtasan at patuloy na itataguyod ang karapatan at kapakanan ng mga OFW sa lahat ng dako ng daigdig.
Kasalukuyang nasa Gitnang Silangan si Bishop Santos kasama ang grupo ng CBCP – ECMI sa isang pastoral visit upang alamin ang kalagayan ng mga OFW partikular sa Amman Jordan at sa Lebanon hanggang sa ika – 20 ng Agosto.