194 total views
Kumbinsido ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples (CBCP – ECMI) sa naipangako ni presumptive President Rodrigo Duterte na papanagutin ang mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakaling maulit muli ang “laglag o tanim bala modus” sa paliparan.
Ayon kay CBCP – ECMI chairman Balanga, Bataan Bishop Rupeto Santos, tiwala ito sa Duterte administration na tuluyan ng matuldukan ang nakakahiyang modus na ito sa airport.
Natutuwa rin si Bishop Santos dahil wala ng dapat na ikabahala ang mga overseas Filipino workers (OFW) at mga balikbayan dahil nagmamalasakit sa kanila ang bagong pamunuan sa pamumuno ng ika – 16 na pangulo ng bansa.
“Ito ay magandang simulain at mensahe sa ating OFW at sa ating balikbayan na sila ay hindi dapat matakot, mangamba, maligalig sapagkat natutukan na at ginagawan na nang paraan upang ayusin, alisin at parusahan ang mga mali at hindi mabuting nanunungkulan sa pamahalaan at higit sa lahat doon sa NAIA,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Payag naman at suportado ang obispo sa patakaran ni Duterte na kinakailangan ng sampulan, parusahan at bigyan ng leksyon ang mga nasa likod ng modus na ito.
“Sa tanim bala maganda ang kanyang pangako na kanyang tatanggalin, kanyang papaalisin. Kasi ang nangyayari noong pang nagkaroon ng tanim bala wala pang nasasampulan, walang napaparusahan. Hindi nadidisiplina yung mga tao roon patuloy pa rin sila ngayon sa palagay namin kapag talagang may pinarusahan, talagang merong nasampulan ito ay magiging tanda at hudyat na yung kanilang maling ginagawa ay hindi kinokunsinti ng nakakataas at sila ay mag – iingat at sila ay susunod sa patakaran at hindi na gagawa ng masama para kikilan, para lokohin, para nakawan ang ating manlalakbay upang magbiyahe,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na batay naman sa datos mula sa Philippine National Police Aviation Security Group o PNP- Avsegroup tinatayang 105 na ang bilang ng mga nahulihang bala sa mga airport mula Enero hanggang Nobyembre taong 2015.