2,774 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na patuloy ipanalangin ang bokasyon upang higit na sumigla ang simbahan.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Vocations Chairman Novaliches Bishop Roberto Gaa, mahalagang suportahan ng mga layko ang paglago ng bokasyon ng mga kabataang handang maglingkod sa Panginoon.
“Tayo po ay magdasal para sa bokasyon maging aktibo po tayo at pasiglahin ang simbahan sa pamamagitan ng pag-aalay at paghahanap ng mas maraming pari na maglingkod sa kanya,” bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa.
Ito ang mensahe ng obispo sa nalalapit na World Day of Prayer for Vocations sa April 30 kasabay ng Good Shepherd Sunday.
Kaugnay nito magsasagawa ng Holy Hour for Vocations ang Diocese of Novaliches sa April 29, alas otso ng gabi na pangungunahan ni Fr. Marvin Riquez ang National Coordinator ng Diocesan Vocation Director in the Philippines.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Riquez, binigyang diin nito ang patuloy na paglago ng bokasyon sa Pilipinas dahil sa suporta at panalangin ng mamamayan.
“Actually, ang bokasyon naman sa Pilipinas ay patuloy sa paglago sapagkat patuloy tayong nagdarasal, isang hamon sa atin na huwag tumigil ipagdasal ang bokasyon sapagkat sa pamamagitan ng mga panalangin ay lumalago at dumadami ang bokasyon,” pahayag ni Fr. Riquez sa Radio Veritas.
Inaanyayahan ng pari ang publiko na dumalo sa Holy Hour for Vocations na gaganapin sa Sta. Lucia Parish sa Novaliches kung saan matutunghayan din sa official Facebook page ng parokya at ng Diocese of Novaliches.
Sa kasalukuyan nasa sampung libo ang mga pari sa Pilipinas na naglilingkod sa mahigit 80-milyong katoliko sa 86 na mga arkidiyosesis, diyosesis, prelatura at bikaryato.
Hinikayat ni Fr. Riquez ang mga kabataang tinawag sa paglilingkod na bisitahin ang mga tanggapan ng vocation director sa bawat diyosesis o sa kongregasyon ng mga relihiyoso.
“Sa mga kabataang lalaki na nagninilay at nag-iisip na tumugon sa tawag ng paglilingkod maaring bisitahin ninyo ang mga tanggapan ng vocation director sa inyong mga diocese,” giit ni Fr. Riquez.
Tema ng ika – 60 anibersaryo ng World Day of Prayer for Vocations ang “Pray the Lord of the harvest to send laborers into his harvest” na hango sa ebanghelyo ni San Mateo at San Lucas.