4,561 total views
Umapela ng suporta sa mamamayan si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo para sa ‘West Philippine Sea: ATIN ITO!’ Movement upang manindigan laban sa teritoryo na patuloy na inaangkin ng China.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pakikiisa ng mamamayan upang maiparating sa international communities higit na sa China na tama ang ginagawang pagtatanggol Pilipinas sa pagmamay-aring teritoryo.
“Mayroon po tayo ngayon na ATIN ITO MOVEMENT yan po ay pagkilos ng maraming mga tao na paninindigan ang ating ari-arian, ang ating mga isla, ang ating karagatan sa West Philippine Sea, paninindigan po natin sa pagtatangkang pagkamkam ng China sa mga karagatan natin, kaya yan po sana ay magsama-sama po tayo lahat diyan kasi ATIN ITO talaga ay yan ay kinilalala na ng International Court na atin itong lupain na ito ay ang basehan ng pagkuha ng China ay hindi makatotohanan.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Inihayag ni Bishop Pabillo na nararapat tiyakin ang pananatili ng kabuhayan ng mga Pilipinong na dumaranas ng harassment mula sa China.
“Kaya ngayon ay gumagamit sila ng dahas, gumagamit ng pananakot para po manahimik nalang tayo at para maibigay nalang sa kanila ang malaking karagatan na mapunta sa kanila at matatamaan po diyan ang ating mga mangingisda na siya pong naghahanap buhay diyan at tayo mismo kasi yun po ay resources natin kaya yan po ang panawagan natin makiisa tayo dito at ipalabas ang ating boses at tulungan natin ang ating mangingisda at ganun din ang ating mga Coast Guards na siya pong nangangalaga boundaries tungkol dito.” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Bukod kay Bishop Pabillo, una ng hinayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang suporta sa pagkilos na layuning palakasin ang pakikiisa ng mga payak na mamamayan sa paninindigan para sa West Philippine Sea.
Ang Atin Ito Movement ay kalipunan ng mga grupo, indibidwal, pulitiko, local artists at iba pang sektor ng lipunan na nagsama-sama upang makiisa sa paninindigan ng Pilipinas laban sa China sa patuloy na pang-aangkin sa West Philippine Sea.
Sa November 29 ay idadaos ang Charity Concert na “Atin ito! the West Philippine Sea Musical” sa University of the Philippines Diliman kung saan libreng makakapanood ang mga dadalo habang hinihimok na magbahagi na donasyon sa anumang makakakayanang halaga.
Ang malilikom ay ipambibili ng pangangailangan ng mga mangingisda, Philippine Navy at Coastguard Personnel na nakatalaga sa West Philippine Sea.
Bagamat tutol ang National Security Council (NSC) sa pagpunta ng Christmas Convoy sa West Philippine Sea partikular na sa Ayungin Shoal, tiniyak naman ni NSC Spokesperson Jonathan Malaya ang suporta sa adbokasiya kung saan hinimok pa rin ang Atin Ito Movement na magtungo na lamang sa Kalayaaan Group of Islands at mga karatig na isla kung saan mas ligtas ang mga magiging bahagi convoy.