397 total views
Umaapela si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa publiko na huwag basta paniwalaan ang mga nababasa at napapanuod sa social media.
Iginiit ng obispo ang kawalang pananagutan ng sinumang naglalagay ng content sa social media lalo na ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
“Dili nato angay tuhoan dayon ang atong mabasa o madungog diha sa social media platforms; daghan ang nagbutang og content sa social media nga nagtakuban, ug tungod niini wala sila’y public ug legal accountability sa unod sa ilang mga gipanuwat o gipanulti,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy. ([Dapat hindi agad paniniwalaan ang mga nababasa at naririnig sa social media platforms; marami ang nagbabahagi ng content sa social media na mapagpanggap kaya wala silang public at legal accountability sa nilalaman ng mga isinusulat at sinasabi])
Batid ni Bishop Uy ang naglipanang trolls na binabayaran upang sirain ang kapwa at isinasantabi ang kasagraduhan ng katotohanan.
Una nang nanawagan si Nassa/Caritas Philippines National Director at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa mamamayan lalo na sa mga kandidato na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa halip ay ilahad ang tunay na mga plataporma na mapakikinabangan at maging batayan sa pagpili ng mga botante.
Labis na nabahala ang simbahan sa laganap na disinformation sa social media lalo’t sa pag-aaral ng Datareportal Digital Report 2022 nasa 76 na milyong mga Pilipino ang gumagamit ng internet o 68 porsyento sa kabuuang 110-milyong populasyon ng bansa.
Naitala rin ng grupo ang 92-milyong Pilipino na social media users o katumbas sa 82-porsyento sa kabuuang populasyon.
Batay sa pag-aaral 83-milyon ang aktibo sa Facebook; 56-milyon sa YouTube; 55-milyon sa Facebook Messenger; 35-milyon sa TikTok; 18-milyon sa Instagram; at 10-milyon sa Twitter.
Ang mga nasabing social media platform ang pinakaginagamit sa kasalukuyan sa pangangampanya ng mga kandidato sa 2022 national and local elections.
Matatandaang hinikayat ni CBCP Social Communications Ministry Chairman at Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. ang mamamayan na gamitin ang social media sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa halip na fake news at disinformation.