1,757 total views
Umaapela ang pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa mananampalataya na magkaisa sa pananalangin para sa kaligtasan ng mga maapektuhan ng super typhoon Rolly.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ang chairman ng komisyon, higit diringgin ng Panginoon ang pagsusumamo ng nagkakaisang bayan na nananalangin para sa bawat isa.
Nanawagan din ang Obispo sa mamamayan na tulungan din ang mga nasalanta ng bagyo at maging bukas upang lingapin ang nangangailangan ng kanlungan.
“Ako po si Bishop Pabillo ang administrator ng Archdiocese of Manila. Alam po natin na tayo po ay dinadalaw ng isang napakalakas na bagyo kaya humihingi po kami ng tulong sa inyo na tulungan natin ang mga kapatid nating nasalanta alam ko pong mahirap humingi ng tulong ngayon kasi lahat naman tayo ay tinatamaan po ng COVID19 pero ngayon may mga kapatid din tayo na mas lalong nahihirapan kaya kung nasaan po tayo makatulong tayo sa kanila tumulong po tayo sa kanila,” apela ng obispo sa panayam ng Radio Veritas.
Sa taya ng PAGASA ganap na alas 4:50 ng madaling araw nang mag-landfall ang bagyong Rolly sa Bato Catanduanes kung saan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 25 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 280 kilmetro kada oras.
Tinatahak ng bagyo ang kanluran timog-kanluran sa bilis ng 25 kilometro kada oras at nag-landfall sa ikalawang pagkakataon sa bahagi ng Tiwi Albay.
Sinabi naman ni Archdiocese of Capiz Archbishop Cardinal Jose Advincula na kaisa ito sa pananalangin para sa kaligtasan ng mga Filipino lalo na sa mga lugar na daraanan ng super typhoon.
“I will include all your intentions especially for the safety of everyone,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Kumikilos na rin ang mga social action centers ng bawat diyosesis sa apektadong lalawigan upang lingapin ang mga nasalanta ng bagyo na kasalukuyang nanunuluyan sa mga simbahan.
Appeal for help
Bishop Broderick Pabillo
Apostolic Administrator
Archdiocese of Manila
“Ako po si Bishop Pabillo ang administrator ng Archdiocese of Manila. Alam po natin na tayo po ay dinadalaw ng isang napakalakas na bagyo kaya humihingi po kami ng tulong sa inyo na tulungan natin ang mga kapatid nating nasalanta alam ko pong mahirap humingi ng tulong ngayon kasi lahat naman tayo ay tinatamaan po ng COVID19 pero ngayon may mga kapatid din tayo na mas lalong nahihirapan kaya kung nasaan po tayo makatulong tayo sa kanila tumulong po tayo sa kanila,”