533 total views
Nananawagan si Parañaque Bishop Jesse Mercado sa mga may-ari ng malalaking subdivision at village na mayroong parokyang sakop ng Diyosesis ng Parañaque na makipagtulungan ngayong panahon ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Bishop Mercado, ito ay sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga bakanteng lote na maaaring pagtaniman ng mga gulay at iba pang halaman na makakatulong upang mapagkunan ng pagkakitaan at maibsan ang kagutuman ng mga pamilyang apektado ng krisis dulot ng pandemya.
“Malaking bahagi ng ating mga parokya at komunidad ay sumasakop sa malalaking subdivisions at villages, at marami dito ay mga bakanteng lupa. Pinakikiusapan po natin ang mga nagmamay-ari ng mga lupaing ito na pansamantala ay magamit ng mga maralita nating kapatid ang mga bakanteng lupa upang matamnan ng mga gulay at iba pang mga pananim na madaling anihin, at nang sa gayon ay makatulong na maibsan ang kagutuman ng ating mga mamamayan,” bahagi ng panawagan ni Bishop Mercado sa mensahe sa Radio Veritas.
Naniniwala naman si Bishop Mercado, na siya ring bagong halal na chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Family and Life na bagamat simple ay malaki naman ang maitutulong ng ganitong uri ng inisyatibo para sa bawat mamamayan lalo na ang mga nasa mahihirap na komunidad.
Dagdag pa ng Obispo na sa pamamagitan din ng pagtatanim ng mga gulay at halaman, maisasakatuparan din ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na magkaroon ng mga pamamaraan upang makatulong na mapangalagaan at mapanatili ang ating nag-iisang tahanan.
“Munti mang maituturing ang ambag na ito, ako ay naniniwala na malaki ang maitutulong nito para tugunan ang usapin ng kasalatan sa pagkain at maging ang panawagan ni Lolo Kiko (Pope Francis) na makatuklas at gumawa ng mga radikal at makabagong pamamaraan ng pamumuhay kaisa ang kalikasan,” saad ni Bishop Mercado.
Noong nakaraang taon magmula nang lumaganap ang COVID-19, hinikayat ng pamahalaan at ilang mga Diyosesis sa bansa ang pagtatanim ng mga gulay at prutas sa mga tahanan upang maitaguyod ang pagkakaroon nang malinis na hangin at masustansiyang pagkain, gayundin ang maibsan ang kagutuman ng mamamayan dahil sa epekto ng krisis pangkalusugan.
Halimbawa na lamang nito ang Gen 129 o Caritas Green Evolution Plant Project na programa ng Caritas Manila na nais na tugunan ang problema ng bansa lalo na ang Metro Manila hinggil sa food security.
Inisyatibo ito ni Caritas Manila executive director at Radio Veritas president Fr. Anton CT. Pascual bilang bahagi ng Kilusang Plant-Based diet na nagsusulong ng kampanya para sa pagkaing walang mukha.