381 total views
Hinihikayat ng Military Ordinariate of the Philippines ang mananampalataya na ipanalangin ang paggabay ng Panginoon sa mga nag-iimbestiga sa naganap na ‘misencounter’ sa pagitan ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong ika-24 ng Pebrero.
Umaasa si Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio na sa pamamagitan ng isinasagawang imbestigasyon ay maliwanagan ang lahat sa naging sanhi ng engkwentro.
Tiwala naman ang Obispo sa pagiging patas ng isinasagawang imbestigasyon upang mabigyan ng katarungan ang mga nasawi at mapanagot ang mga may pananagutan sa naganap na sagupaan.
Positibo din si Bishop Florencio na sa pamamagitan ng resulta ng imbestigasyon ay makabuo ang bawat ahensya ng mga naaangkop na rekomendasyon at pamamaraan upang maiwasan na muling maulit pa ang naganap na engkwentro.
“Praying also for guidance and enlightenment for the investigating team so that they can present to us a fair and siguro later on the future they can present to us some sort of good recommendations na hindi na ito mauulit ang mga bagay na ganito…” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Hinihimok rin ng Obispo ang bawat mananamapalataya na ipanalangin ang pamamagitan ng Espiritu Santo at ni San Jose upang magabayan ang bawat isa sa pagganap sa bawat tungkulin at misyon ng may buong sigla, sigasig at puno ng pagmamahal.
Paliwanag ni Bishop Florencio, mahalaga ang tatlong salik na ito upang maging ganap ang misyon na iniatang ng Panginoon sa buhay ng bawat isa.
“Let us ask for that help from the Holy Spirit and also from Saint Joseph, yung ating year ngayon we are asking the intercession of Saint Joseph to guide us do the task that we are supposed to do and do it promptly, diligent and most of all do it with love, because if everything is under these ambiance of promptness, diligence and love everything will be okay and we can assured that itong lahat ay may gabay ng ating Panginoon…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.’
Una ng pinayuhan ng Obispo ang mga kawani ng dalawang ahensya na hindi dapat na magkaroon ng kompetensya sa halip ay magtulungan sa pagsugpo ng talamak na kalakalan ng droga sa bansa.
Samantala nasasaad sa Liham Apostoliko ng Kanyang Kabanalanan Francisco na may titulong “Patris Corde” ang deklarasyon ng Santo Papa sa pagdiriwang ng Taon ni San Jose mula Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021 bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng pagkaka-deklara kay San Jose bilang Patron ng buong Simbahang Katolika at pagiging isang mabuting huwaran bilang isang ama at asawa kay Hesus at Maria.