278 total views
Umaasa ang obispo ng Prelatura ng Marawi na ang paggunita ng panahon ng Kuwaresma ay magkakaroon ng mas malalim na kahulugan hindi lamang sa pananampalataya kundi ang pagsasabuhay nito sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña, nawa ay maging daan ito na tingnan ang kalagayan ng mga higit na nangangailangan at magbunsod sa kanilang pagkalinga sa pagbibigay ng tulong.
“Sana maantig ang ating mga puso not only to think of ourselves but also to think of others na less fortunate than we are and then we make them kind of a motivation para yung ating pagsasakripisyo will benefit ng iba lalu na sa mga mahihirap nating mga kapatid,”pahayag ni Bishop Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas.
Una na ring nanawagan ang Obispo ng patuloy na pagtulong para sa mga taga-Marawi na biktima ng mahigit limang buwang kaguluhan na nagsimula noong Mayo bunsod ng paglusob ng Maute-Isis group sa lungsod.
Sa ulat, may higit sa 300,000 mga residente ang nagsilikas habang may higit sa 1,000 ang nasawi dahil sa digmaan.
At bagama’t tapos na ang kaguluhan ay nanatili pa rin hindi nakakabalik ang mga residente mula sa may 20 barangay na bahagi ng ground zero o lugar na naging sentro ng bakbakan sa pagitan ng mga terorista at mga otoridad.
Marawing Salamat
Nagpapasalamat naman ang Obispo sa inilunsad na fund raising activity ng isang pribadong grupo kung saan isang fashion at opera show ang isasagawa bilang tulong sa mga bakwit sa Marawi.
Ang Marawing Salamat ay isang benefit Concert na dadaluhan ng may higit sa 30 mga modelo at opera singers na layung makalikom ng salapi para ibigay na ayuda sa ‘Duyog Marawi’.
Ito ay isasagawa sa April na gaganapin sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ayon sa Obispo, hangad ng grupo na makalikom ng higit sa P1 M para na rin suportahan ang ‘Duyog Marawi’ partikular sa programa kaugnay sa ‘trauma healing’ at alternative educational system’.
“They aim for a bigger amount. Part of the proceeds is also for Marawi. This is just the beginning in other words,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Ang ‘trauma healing’ ay isang programa ng ‘Duyog Marawi’ sa mga dating naging bihag ng mga terorista at ang ‘alternative learning system’ naman ay para sa mga kabataan na naapektuhan ang pag-aaral dahil sa digmaan.
Sa report may 22 libong mga estudyante ng Marawi City ang kabilang sa mga naapektuhan dahil sa kaguluhan sa lungsod kung saan karamihan ay pansamantalang lumipat ng paaralan sa kalapit lugar ng Marawi at maging sa labas ng Mindanao.